Ang mga parte ng buhok ay ang sumusunod:
1. Ang hair follicle ang nagpapalusog sa buhok at dito tumutubo ang buhok.
2. Ang hair shaft o mismong buhok ay mula sa matigas na protina na ang tawag ay “keratin”.
3. Ang hair root o ugat ang siyang nagpapahaba sa buhok ng mga kalahating pulgada kada buwan.
Mayroong proseso ng paglago o growth cycle ang buhok. Ang unang stage ay active growth na inaabot ng taon. Ang resting phase ay mula 3 to 6 na buwan kung saan ang follicle ay naka-relax lang ang hawak sa hair shaft o buhok, dito mabilis mahulog and buhok. Tapos babalik na ulit sa growing phase ang buhok. Pero sabay-sabay ito nangyayari, depende sa edad ng buhok.
Sa anit ng ulo o scalp ay mas madaling humaba ang mga buhok. Sa ibang lugar tulad ng kilay at kilikili ay mas matagal ang paghaba ng buhok.
Alam ba ninyo na 100,000 hangang 150,000 buhok ang nasa anit. Ang 10-20% nito ay nasa resting phase at puwedeng mahulog, kaya nga 50-100 buhok ang puwede nahuhulog araw-araw. Normal lang ito.
Pagnipis ng buhok:
Ang isang dahilan kung bakit nalalagas ang buhok ay ang pagbabago ng hormones. Ang receding hairline ay maaaring unti-unti o mabilis. Mayroon ding male pattern ng pagnipis ng buhok dahil sa lahi o namamana kaya tingnan ang mga kaanak.
Mayroon ding female pattern ng pagnipis ng buhok kung saan numinipis lang ang buhok pero hindi umuurong. Dahil sa pabagu-bago ng hormones kaya nalalagas ang buhok tatlong buwan pagkapanganak.
Ang iba pang sanhi ay menopause, pagtigil ng birth control pills sa loob ng 1-3 buwan, pag-edad, mga stress tulad ng namatayan, naaksidente, problema, pagod at sakit tulad ng sa thyroid.
Ang iba pang sanhi ay ang kakulangan sa nutrisyon, kulang sa protina, laging gutom o nagdidiyeta.
Para malaman kung hindi normal ang hairfall ay kumuha ng magnifying glass at tingnan ang mga buhok. Pag nabali o hair shaft breakage ang dahilan ay mayroon puwedeng gawin tulad ng pagiging gentle o maingat sa buhok, bawasan ang sobrang pag-brush, pag-shampoo o pagtali. Huwag ipamasahe ang anit dahil baka mabali ang buhok. Wala munang kemikal tulad ng hair dyes, bleaching, pangkulot o pang-unat. Puwedeng gumamit ng mga protein conditioners at cream rinse.
Pangalagaan and hair roots o ugat sa pamamagitan ng pag-iwas sa braid at mahigpit na ponytail. Iwas din sa maiinit na rollers.
Kapag patse-patse ang pagkakalbo ay dahil sa sakit sa balat o fungal infection tulad ng ringworm. Ang ringworm ay isang fungal infection, korteng bilog ang pagkalagas ng buhok, mapula ang balat, nagbabalat, at makati. Madalas ito sa mga bata, galing sa alagang aso, pusa o kalaro. Pumunta sa dermatologist para bigyan ng anti-fungal cream tulad ng ketoconazole.
Mayroon ding Trichotillomania (hair pulling disorder) kung saan naging ugali na laging hinihila o binubunot ang buhok o iniikot ng mga bata.
* * *
Mga dahilan ng pagkahilo
Maraming dahilan kung bakit nahihilo. Kadalasan, hindi naman ito delikado. Narito ang mga pangkaraniwang dahilan ng pagkahilo.
1. Problema sa mata – Kung malabo na ang iyong mata, puwede kang mahilo sa pagbabasa. Kung madalas mag-computer, nakahihilo rin. Dapat ay ipahinga ang mata at tumingin sa malayo para ma-relaks ito. Magpagawa ng salamin o dili kaya’y baguhin na ang grado ng salamin.
2. Problema sa taynga – Isa pang pangkaraniwang dahilan ng pagkahilo ay ang sakit sa taynga. Nasa tainga kasi natin ang vestibular system kung saan nagmumula ang pakiramdam natin sa balanse at pag-galaw. Kung may dumi o impeksiyon sa tainga, puwede ito magdulot ng matinding pagkahilo (vertigo). Ang gamot dito ay ang meclizine 25 mg tablets (Dizitab, Bonamine). Ang ganitong hilo ay tumatagal ng mga isang buwan bago humupa.
3. Presyon ng dugo – Kung ika’y may high blood, puwede kang mahilo at manakit ang iyong batok. Kung ikaw naman ay low blood, anemic at maputla, puwede ka ring mahilo. Dapat ang blood pressure natin ay nasa pagitan ng 140/90 ang pinakamataas at 90/60 ang pinakamababa.
4. Nerbiyos – Ang mga nerbiyosong tao ay madalas din mahilo. Kapag kinakabahan, natatakot o nakasaksi ng nakahihindik na bagay, puwede silang mahilo. Ang tawag dito ay panic attack o nerbiyos. Kailangan lang nila na magpahinga at uminom ng pampa-relax tulad ng Lexotan 1.5 mg tablet. Sa doktor lang makahihingi ng reseta nito.
5. Kulang sa oxygen – Minsan naman ay may nahihilo o nahihimatay sa isang mataong lugar tulad ng simbahan o rally. Dala ito ng matinding init at dami ng tao. Kailangan lang magpahinga, magpahangin at mawawala rin ang hilo.
Sa panghuli, mayroon ding mga pinanggagalingan ang hilo na mas seryoso. Ito ay ang istrok at tumor sa utak. Ang istrok ay may matinding pagkahilo at may kasamang panghihina ng isang parte ng katawan. Ang tumor naman sa utak ay may kasamang matinding sakit ng ulo.
Subalit huwag matakot dahil bihira lang naman ito. Kung may karagdagang katanungan, kumunsulta sa doktor.