Mga mayor ang sinisisi sa paglaganap ng mga pergalan at wala nang iba pa. Binabasbasan ng mga mayor ang mga operator ng pergalan kaya namamayagpag ang mga ito. Subukan kayang huwag basbasan ng mga mayor ang mga pergalan. Baka mabilis pa sa alas tres kung lumayas ang mga ito dahil hahabulin ng mga pulis. Ito ay kung dedikado at matino ang mga pulis. Paano kung hindi? Paging bagong PNP chief.
Nalaman ko, hindi lamang mayor ang nagbabasbas sa mga pergalan kundi pati na rin ang concurrence ng sangguniang bayan, punong barangay at sangguniang barangay. Kaya naman pala matibay pa sa pader ang mga pergalan.
Halimbawa na lamang ay sa Agoo, La Union. Namamayagpag dito ang operator na si Maribel de Castro dahil binasbasan daw ni Mayor Frank O. Sibuma. Totoo ba ito Mayor?
Tahimik na tahimik naman ang mga kagawad ng sangguniang bayan ng Agoo dahil nabasbasan na. Katulad din ng pananahimik ng mga punong barangay at sangguniang barangay.
Nalaman ko rin na ang pergalan operator na si Victor Verde ay namamayagpag din sa Salcedo, Ilocos Sur at may basbas daw ni Mayor Leopoldo G. Gironella, Jr. at iba pang opisyal. Totoo ba ito Mayor?
Nalaman ko na palipat-lipat lang ng mga bayan sa Ilocos Sur si Verde. Kung saan may piyesta, tiyak na naroon ang kanyang peryahan na ang nilalaro ay dropball at iba pang color games. Maliwanag na sugal ang mga ito. Hindi matinag si Verde sapagkat punumpuno siya ng basbas ng mga mayor.
Hindi pinapayagan ang pergalan at malinaw itong nakasaad sa Anti-Illegal Gambling law (Presidential Decree 1602) at Republic Act 9287 na nagsasabing ang lahat ng anyo ng sugal o money-related activities ay ipinagbabawal kahit sa lamayan at pista.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com