Gamit ang Immigration consultant:Ex-PSN Editor, Canadian citizen na!

Si Jojo Cruz (kanan, harap) kasama ng kanyang pamilya sa Canada
STAR/ File

Si Jojo Cruz na dating Libangan section editor ng Pilipino Star Ngayon at ang kanyang pamilya ay dumayo sa bansang Canada noong taong 2010 para roon na manirahan nang permanente.  Naging Canadian citizen sila pagkaraan ng limang taon. 

Ayon kay Jojo, nagdesisyon silang tumira sa Canada para sa mas magandang kinabukasan ng kanilang mga anak. Mas marami anyang oportunidad sa trabaho kahit anong edad at maraming benepisyo. “Dito kasi, when you lose your job you have employment insurance. 70 percent ng suweldo mo you could get habang naghahanap ka ng trabaho. Checkup and gamot is libre. Just present your health card. Dito at 16 years old puwede na mag-apply ng job at kahit retiring age ka na if you still want to work you can,” dagdag pa niya.

Tulad ng ibang Pilipinong nag-“migrate” sa ibang bansa, ginamit ni Jojo ang serbisyo ng isang immigration consultant noong nandito pa siya sa Pilipinas. 

“I saw an ad sa Philippine Star. Sabi, do you want to go to Canada? Are you qualified to go? May mga questions. Sinagot ko then I mailed sa agency. Sumagot, sabi qualified daw kami. Then pinapunta kami sa office, sinabi ‘yung proseso at gagastusin. Mga two years din tumagal kasi my husband has not decided yet if tutuloy kami. Ayaw kumuha ng requirements so ako lahat nag-ayos. It took a while bago (siya) nag-decide,” pagbabahagi niya.

Tinanong ko siya sa mga binayaran niya at kung paano niya nakumpirma na lehitimo iyong ahensiya.

“Paunti-unti ang bayad kasi bawat process, bayad. Umabot ata ng 300 libo ang nagastos. I did not confirm. I just felt na (legitimate) kasi Canadian ‘yung head ng agency and I saw all the permits. Tapos from time to time, may update sa application mo and he will show all the papers. Siyempre prayers helped. Ang prayers ko if, hindi legitimate, give us signs, e wala naman. Everything was processed smoothly. Kami pa nga ‘yung matagal mag-submit ng documents kasi nga minsan wala pang pambayad,” pagbabahagi pa niya. “Daming requirements. But hindi ka puwedeng mag-submit ng bogus documents. Eventually, mabibisto nila gaya ng kaso ng mga iba rito. Employment record, school records, marriage certificate, baptismal, transcript of records, NBI clearance, English proficiency records, diploma translated sa English.”

“Most important, dapat may sponsor ka na two persons who will vouch for you. Sila ‘yung tutulong sa iyo na maka-settle here,” sabi pa ni Jojo na ang naging sponsor sa pag-migrate niya sa Canada ay ang isa niyang kaibigan at kapatid nito.

Dumating silang mag-anak sa Winnipeg, Manitoba, Canada noong Pebrero 2, 2010. “We became Canadian citizens April 2015. You can’t apply for citizenship agad-agad. May specific number of years before you could apply. Establish ka muna ng residency. During our time, 5 years. Nag-exam kaming mag-asawa, February 2015 and you will get the results that same day. Tapos sche-dule na nila oath taking. ‘Yung dalawang anak ko sa akin naka-carry ‘yung application kasi ako ‘yung main applicant sa pagpunta rito.

Nanibago sa simula ang dalawa nilang anak. “Shocked mga anak ko. Kala nila mamamasyal lang kami. Na-culture shock. It took a while bago naka-adapt sa new environment. Kahit naman din kaming mag-asawa. Tapos may pressure pa na makahanap agad ng trabaho.”

Nagtrabaho si Jojo bilang lunch supervisor sa isang eskuwelahan pero part time lang ito. Malayo sa dati niyang trabaho sa Pilipinas.  “Hindi makakabuhay ng pamilya. Tapos, after three months sa manufacturing hanggang ngayon. Wala kang magagawa e. Just embrace it. Hindi ka uusad kung iisipin mo kung gaano kalaki ang pagkakaiba ng trabaho mo dyan  (sa Pilipinas) at dito (sa Canada).”

Gayunman, sinang-ayunan ni Jojo na ang pagtira nila sa Canada ay nagbigay ng mas magandang oportunidad sa kanyang mga anak. “Oo naman. ‘Yung eldest ko who finished mechanical engineering technology is now a manager with free car and gasoline. My daughter who graduated with Psychology degree decided to take up nursing and she will graduate next year but she has a part time related to her psychology degree,” paliwanag niya.

Tulad ng nauna kong nabanggit, ang paggamit ng immigration consultant tulad ng sa karanasan ni Jojo ay isa sa mga paraan ng paninirahan sa ibang bansa.  Hindi ito iyong magtatrabaho lang doon, pansamantalang manunuluyan, magbabakasyon, mamamasyal o mag-aaral. Habambuhay ka nang titira, mamumuhay, at mananatili sa napili mong dayuhang lupain.

Kailangan nga lang ang ibayong pag-iingat para hindi mabiktima ng mga peke at iligal na immigration consultant lalo na kung gagasta ka rito ng malaking pera, oras at pagod. Hindi ito tulad ng recruitment agency na hanapan ng trabaho sa ibang bansa. Alamin kung rehistrado at kinikilala sa bansang balak dayuhin ang immigration consultant.

Sabi nga sa Wikipedia, ang immigration consultant ay isang tagapayo na tumutulong sa mga tao na gustong manirahan sa ibang bansa at sinusuportahan ang mga ito sa mga legal at documentation process.

Nagbibigay din ang immigration consultant ng mga impormasyon hinggil sa bahay na maaaring panirahan, mapapasukang trabaho at edukasyon sa bago mong bansa. Tumutulong din ito sa paghahanap ng language classes at cultural orientation program.         

Kailangan may hiwalay na lisensiya ang immigration consultant, halimbawa mula sa Department of Migrant workers kung kumukuha ito ng mga manggagawa para sa mga dayuhang employer.  Maaari namang magtanong sa embahada sa Pilipinas ng bansang balak dayuhin kung lehitimo ba, rehistrado, lisensiyado o kinikilala sa kanilang bansa ang kausap mong immigration consultant. Magsaliksik, magtanong-tanong, maging mapagmatyag at alerto para hindi malinlang!

   * * * * * * * * * *

Email- rmb2012x@gmail.com

Show comments