Mahalin ang asawang babae

Kadalasan sa isang relasyon, ang babae ang guma­ganap ng supporting role para magtagumpay ang lalaki sa kanyang bokasyon. Kung minsan naman ay kabaliktaran lalo na kung mas matalino at higit na mataas ang pinag-aralan ng babae sa lalaki.

Pero talakayin natin ang pangkaraniwang sitwasyon na ang lalaki ang siyang ulo ng pamilya. Mahalaga ang suporta ng asawang babae sa ikapagtatagumpay ng karera ng lalaki. Kaya upang matamo ito, dapat pakamahalin ni husband si wife at ituring na mahalagang hiyas ng kanyang buhay.

Nagulat ako sa balita na isang misis ang pinagsadya ang Commission on Appointments upang siya mismo ang huma­rang sa promosyon ng kanyang asawa bilang Brigadier General ng Philippine Army. Ang dahilan niya ay pinagma­malupitan siya ng kanyang asawa. Aniya, walang karapatang maglingkod sa bayan ang mister niya na ang sariling asawa ay pinagmamalupitan.

Pinatotohanan ng kanilang batang anak ang isiwalat na kalupitan ng kanyang asawa ni misis. Hindi ko batid ang malalim na istorya ng buhay nila. Baka may ibang dahilan. Ano man ito, ipinagugunita sa lahat ng kalalakihan ang halaga ng respeto at pagmamahal sa kabiyak.

Ngunit sa ganitong mga pambihirang pangyayari, nag­lulumaro sa isip natin na sadyang matindi nga ang pagma­maltrato ng lalaki sa asawa nito, sukdang ang babae mismo na kabiyak niya ang hahadlang sa kanyang promosyon.

Karaniwan, dapat magsaya si misis dahil tumaas ang ranggo ng kanyang asawa sa military service, pero tumbalik ang nangyari.

Kaya aral ito sa lahat ng kabaro ko. Sa ayaw natin at sa gusto, ang mga asawa natin ang greatest motivator sa ating buhay. Sila rin ang nag-aalaga sa atin kung tayo ay nagkakasakit.

Pakamahalin natin sila.

Show comments