HINDI na maganda ang nangyayari na patuloy sa pag-angkat ng bigas ang Pilipinas. Naturingang agricultural na bansa pero ang kinakain sa hapag ng bawat Pilipino ay kanin na mula sa ibang bansa. Mas hamak na malaki ang taniman ng palay sa Pilipinas kaysa Vietnam at Thailand pero ang mga nabanggit na bansa ang nagsusuplay ng bigas sa bansa. Bukod sa Vietnam at Thailand, bumibili rin ng bigas ang Pilipinas sa China at India. Sa nangyayaring ito, ang Pilipinas ang nangungunang rice importer sa mundo. Sumunod sa Pilipinas ang Indonesia, China at European Union. Kakahiya! Agrikultural na bansa ang Pilipinas pero bumibili ng bigas.
Sa unang dalawang buwan ng 2024, nakaangkat na ang Pilipinas ng 728,254.49 metrikong tonelada ng bigas. Ayon sa Bureau of Plant Industry, sa Vietnam galing ang bigas. Noong nakaraang taon, sinuplayan ng Vietnam ang Pilipinas ng 390,997.22 metriko tonelada.
Ayon sa Foreign Agricultural Service of U.S. Department of Agriculture (USDA), magpapatuloy pa ang pag-angkat ng bigas ng Pilipinas ngayong taon. Pagtaya ng USDA, aangkat ang Pilipinas ng 4.1 milyong metriko tonelada ng bigas sa taong ito.
Nang manungkulang Agriculture Secretary si Pres. Ferdinand Marcos Jr., sinabi niya na pagbubutihin ang pamamahala sa nasabing tanggapan para maging masagana at stable ang ani. Masama raw ang loob niya sa walang tigil na pag-angkat ng bigas. Hindi man sinabi, gusto niyang maputol na ang pag-import. Subalit walang nangyari—nagpatuloy ang importasyon at lumaki pa.
Habang patuloy ang bansa sa pag-angkat mayroon naman palang nangyayaring korapsiyon sa National Food Authority (NFA) kung saan sangkot ang administrador nito at 138 na opisyal at empleyado. Inaakusahan sila sa pagbebenta ng rice buffer stock sa mga pinaboran nilang traders na nagkakahalaga ng P93.7 milyon. Ipinag-utos ng Office of Ombudsman ang pagsuspende sa mga sangkot.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, ang mga sangkot ay sina Administrator Roderico Bioco, Assistant Administrator for operations John Robert Hermano, 12 regional managers, 26 branch managers at 99 na warehouse supervisors na hindi naman pinangalanan. Nabulgar ang korapsiyon makaraang ibunyag mismo ng NFA na 75,000 sako ng bigas ang binenta sa piling millers at traders sa halagang P25 bawat kilo na hindi dumaan sa public bidding.
Patuloy ang rice importation. Bumabaha ang mga imported na bigas. At ang tanging kawawa ay mga maliliit na magsasaka. Bundat naman ang mga korap. Kakahiya talaga!