Gobyerno, nalulugi ng P60-B sa cigarette smuggling!
UMAABOT sa P60 bilyon na buwis ang nawawala sa kaban ng gobyerno dahil sa cigarette smuggling sa southern Pinas. Dapat iutos ni BBM na higpitan ang seguridad sa southern backdoor dahil ang nawawalang buwis ay makaaapekto nang malaki sa Universal Health Care, imprastraktura at iba pang programa ng gobyerno. Mismooooo!
Teka nga pala, ano ang ginagawa ng Philippine Coast Guard at PNP Maritime Command para masawata ang problemang dulot ng cigarette smuggling? Nganga? Magkano…este paano? Hehehe! Panay problema sa West Philippine Sea ang inaatupag ng Coast Guard at nakalimutan nila ang cigarette smuggling na malaking epekto sa kaban ng Pinas. Ano pa nga ba?
Sinabi ng mga kosa ko na dalawang beses ang barko kung magpasok ng smuggled na sigarilyong galing sa Indonesia at Malaysia ang smugglers. Idinadaong ito sa mga puwerto sa Patikul, Sulu o Basilan bago i-ship sa Zamboanga peninsula. O hayan ha, may giya na si BBM sakaling iutos niya sa Coast Guard at Maritime Command ang malawakang kampanya laban sa cigarette smuggling. Get’s n’yo mga kosa?
Ang tinitiyak ng mga kosa ko kilala ng mga intel ng Coast Guard at Maritime Command ang mga smugglers dahil tiyak “pasok” sila rito. Araguyyyyy! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ang kadalasang naismagel na sigarilyo ay ang Duo, D&J, Fort, Prasasti Bold, King, Champion, Gajah Haru, Tabaco at New Berlin. Ibinibenta ito sa halagang P25, na mas mura sa P30 sa lokal na sigarilyo, dahil hindi sila nagbabayad ng buwis. Get’s n’yo mga kosa?
Kaya naman pina-patronize ang smuggled cigarettes dahil sa kamurahan ng presyo at halos parehas lang ang lasa sa lokal na sigarilyo. Dipugaaaaa! Sinabi pa ng kosa ko na isang barko ang binibili ng mga smugglers sa Indonesia at Malaysia at ang isang master case o malaking kahon ay binibenta sa halagang P9,000 na mas malaking mura sa P60,000 halaga ng lokal na master case. Tsk tsk tsk! Sakit sa bangs nito.
Ayon sa Euromonitor, ang leading provider ng global business community, 23 percent o isa sa limang sigarilyo na naibenta sa Pinas ng nakaraang taon ay galing sa illegal sources, kasama na rito ang cigarette smuggling, hindi nagbayad ng buwis at counterfeits. Sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui, Jr., na sa tingin niya, ang nalulugi sa gobyerno ay mula P50 bilyon hanggang P100 bilyon kada taon sa nasabing illegal sources. Araguyyyyy!
Idinagdag naman ni Albay Rep. Joey Salceda, Chairman of the House Committee on Ways and Means, na aabot sa P60 bilyon ang nawawala sa kaban ng gobyerno patungkol sa illegal na sigarilyo kada taon. Dipugaaaaa! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ayon pa sa datos, kumokolekta ang gobyerno ng P176 bilyon na buwis sa sigarilyo noong 2021, na bumaba sa P160 bilyon noong 2022. Sa tingin ng BIR, bababa pa mula 11 percent hanggang 20 percent ang makokolektang buwis sa tabako sa 2023, o P128 bilyon hanggang P142 bilyon lang ito. Abangan!
- Latest