Pagsapit ng 50-anyos, mga 50 percent ng mga tao ay may almoranas o hemorrhoids na.
Ano ang almoranas? Ito’y mga ugat at laman na lumalabas sa puwit. May mga ugat sa loob ng puwit, at sa katagalang pag-iire, puwede itong lumalabas, maipit at dumugo.
Ang sintomas ng almoranas ay ang masakit na pakiramdam habang dumurumi. Parang may napupunit sa puwit. Minsan, may dugo sa dumi o sa puwitan. May pagkakataon na makakapa rin ang almoranas sa puwitan.
Ang sanhi ng almoranas ay ang pagtitibi o pagiging constipated. Kailangan natin mapalambot at mapadali ang pagdumi.
Ang solusyon dito ay damihan ang pagkain ng pagkaing mataas sa fiber. Kailangan natin kumain ng limang tasa ng pagkaing mataas sa fiber tulad ng gulay, patola, okra, kangkong, prutas, brown rice, wheat bread, mani at iba pa.
Kapag maraming fiber tayong kinain, mas magiging malaman (may bulk) ang iyong dumi at madali itong mailabas. Minsan, isang irihan lang at lalabas na ang dumi. Dahil dito, mas hindi masusugat ang iyong almoranas o puwit.
Uminom din ng 8-12 basong tubig. Kailangan mo nang maraming tubig para hindi tumigas ang iyong dumi.
Huwag umasa sa gamot na pampadumi dahil lalo ka lang magtitibi pagkatapos ng epekto nito.
Isa pang tip: Huwag pigilin o ipitin ang paglabas ng dumi. Kapag pinipigil natin ang paglabas (tinitigas ang masel ng puwit) lalong kikipot ang lalabasan ng dumi at masusugatan lalo ang almoranas.
Ikalma ang sarili at subukang ilabas ang dumi ng isang pag-iri lang.
Magpatingin sa doktor (surgeon) para masiguro na almoranas ang problema.