^

PSN Opinyon

Mga kakaharaping pagsubok sa 2024

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

HAPPY ba ang pagsalubong n’yo ng bagong taon 2024?  Sa mga nakaaangat sa buhay, sigurado ako na nakamit nila ang labis na ligaya dahil masagana ang kanilang media noche. Sama-sama silang nagsalo sa hapag kainan. At para naman sa mga isang kahig isang tuka nating mga kababayan, lupaypay sila sa pagod nang magsiuwian dahil naghanapbuhay pa sa huling araw ng 2023. Ang tinutukoy ko ay ang mga nagtinda ng mga bilog na prutas, kakanin, torotot at paputok.

Sa huling oras, nagsibagsakan ang presyo ng mga prutas, pagkain at paputok. Ang paputok at pailaw ay binigay na ng mura para lang maubos. Kapag hindi nila ibinigay ng mura ang paputok wala nang saysay. Napansin ko lang na medyo matumal ang bentahan ng mga prutas. Dahil siguro sa kapos ang budget ng ating mga kababayan. Pinagkasya nila kung saan aabot ang budget. Naniniwala naman sila na gaganda ang buhay sa taon na ito. Nakikita nila na ang 2024 ay masuwerteng taon.

Sa surbey ng Social Weather Stations (SWS) nakama­mangha na 96 percent ng mga Pinoy ay mataas ang pag-asa ngayong 2024. Pinakamataas ito sa lahat sa mga naka­raang surbey. Naniniwala sila na makakamtan ang kanilang mga pinapangarap ngayong 2024.

Samantala, ngayong 2024, sana naman, makagawa na ng epektibong solusyon si Pres. Ferdinand Marcos Jr. sa krisis sa West Philippine Sea (WPS). Patuloy ang China sa pambu-bully at hinahadlangan ang Philippine Coast Guard (PCG) at iba pa nating supply boats patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kung saan nagbabantay ang ating mga sundalo.

Ilang beses nang kinanyon ng tubig ng CCG ang PCG at supply boats at binangga rin ito. Nakikipagpatintero lagi ang ating mga barko. Sa lahat naman ng ginagawang pambu-bully ng China, sinabi ni Marcos Jr. na dapat maging mahinahon sa bawat pagkilos sa pinag-aagawang teritoryo.

May katwiran naman ang Presidente sapagkat hindi naman natin kayang tapatan sa ngayon ang China dahil marami silang makabagong kagamitan na panggiyera. Ayon kay Marcos Jr., kailangan dito ay mabuting usapan at dapat kasama ang iba pang Asean members. Hindi aniya hinahanap dito ang digmaan kundi ang legalidad sa pag-angkin ng teritoryo.

Bagamat nanalo na tayo sa arbitrary ruling noong 2016, hindi pa rin ito kinikilala ng China. Sa tingin nila iba ang batas na pinaiiral sa kanilang bansa. Kaya kailangang maging mahi­nahon ang mga Pinoy sa pagkilos.

Isa rin sa kinakaharap ng bansa at tinututukan ng pama­halaan ay ang pananalasa ng El Niño na maaaring mara­nasan hanggang Abril 2024 ayon sa PAGASA. Malaking bahagi umano ng bansa ang makakaranas ng tagtuyot kaya nagsasagawa na ng paghahanda ang pamahalaan sa pag­tama nito na ang maaapektuhan ay ang mga palayan sa bansa. Tiyak na matutuyo ang mga sakahan kung hindi madadaluyan ng tubig mula sa irigasyon.

Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na umangkat na ang bansa ng bigas sa India at Taiwan. Kung hindi ito gagawin, magkakaroon ng kakapusan sa bigas sa bansa.

Kaya sa pagtama ng El Niño, dapat maging masinop at magtipid ang mamamayan. Magtipid sa pagkain, elektrisidad, tubig at iba pa para hindi danasin ang krisis. Suportahan ang mga programa ng pamahalaan upang magtagumpay at malampasan ang krisis. Happy New Year sa lahat!

FIREWORK

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with