MARAMI sa mga Pilipino ang sasalubungin ang 2024 na punumpuno ng pag-asa. Naniniwala sila na ang 2024 at maghahatid sa kanila nang magandang buhay. Malaki ang paniwala nila na magbabago ang buhay at makakamtan na ang mga pinapangarap. Buong-buo ang paniwala nila na magkakaroon ng magandang kapalaran sa papasok na taon.
Sa surbey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 8 hanggang Disyembre 11, 2023, lumabas na 96 percent ang nagsabing sasalubungin nila nang may mataas na pag-asa ang 2024. Mataas ito kaysa surbey ng SWS na ginawa noong 2022 na 95 percent ang nagsabing haharapin nila ng may pag-asa ang 2023. Noong 2019 (bago ang pandemya) sa surbey pa rin ng SWS, lumabas na 96 percent din ang nagsabing punumpuno sila ng pag-asa.
Bagamat marami ang nagsasabi na haharapin nila ang 2024 nang may pag-asa, may mga nagsabi rin na natatakot sila sa pagpasok ng 2024. Ayon sa surbey, 3 percent ang nagsabi na natatakot sila. Ang mga nainterbyu ay mga adult respondents na binubuo ng 1,200 individuals.
Hindi naman talaga maiiwasan na magkaroon ng takot o pangamba sa respondents sa papasok na taon dahil na rin marahil sa maraming problema. Unang-una na ay ang kawalan ng trabaho ng nakararaming Pilipino. Marami pa rin ang walang kasiguruhan sa hanapbuhay sapagkat ngayon pa lamang nakababawi ang ekonomiya dahil sa pananalasa ng pandemya.
Problema rin ang mataas na bilihin gaya ng bigas na hanggang ngayon ay hindi bumababa ang presyo. Ang pangakong ibaba sa P20 per kilo ay sa panaginip lang. Bukod sa bigas, mataas din ang presyo ng iba pang bilihin. Mataas din ang pasahe dahil sa sunud-sunod na oil price hike.
Kamakailan, sinabi ng Malacañang na umaabot na sa kabuuang P4.019 trilyon o US$72.178 bilyon ang halaga ng investments na naiuwi ni President Marcos Jr. mula sa pagbisita sa iba’t ibang bansa. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) ang P4 trilyong halaga ng investments ay binubuo ng 148 projects na karamihan ay nasa sektor ng manufacturing, renewable energy, data centers, telecommunications at pharma manufacturing.
Kung totoo ang malaking investments na ito, tiyak na maraming trabaho ang iluluwal. Kapag nangyari ito sa 2024, tiyak na lalong dadami ang makadarama ng mataas na pag-asa sa buhay.