Bakit nga ba laging eksayted ang mga Pilipino tuwing sasapit ang Pasko? Malayo pa’y may-countdown na agad!!!
Maaaring ito ay dahil sa masasayang bigayan ng mga regalo kung saan nagkakaroon tayo ng pagkakataong ipakita kung gaano kahalaga ang mga tao sa paligid natin. Para sa ilan, maaaring ito ang katuparan ng kanilang pagnanais na magbiyahe at magbakasyon. Para naman sa iba, maaaring ito ay ang pagkakataong makapagpahinga tayo mula sa stress ng trabaho at makapagbalik-tanaw pagkatapos ng isang makabuluhang taon.
Pero para sa akin, sa init ng yakap ng pamilya at tawanan ng mga bata tunay na makikita ang diwa ng panahong ito. Higit pa sa pagkain at regalo, pinakamahalagang biyaya ang ligtas at maayos na pagsasama-sama ng ating pamilya at mga mahal sa buhay sa iisang tahanan.
Pagbibigay-tinig sa mga bata
Kahit hindi ka-dugo, puwedeng maging kapamilya. Katunayan, ang mga itinuturing nating kapamilya ay yung mga nagmamahal sa atin at maasahang nariyan pa rin para magbigay-suporta anuman ang mangyari. Ito ang uri ng bigkis na palaging sinisikap ng ABS-CBN Foundation-Bantay Bata 163 na mabuo sa pagitan ng organisasyon, mga donor, mga bata at kanilang mga pamilya na nasa ilalim ng pangangalaga nito.
Ilang linggo na ang nakalipas, halos 200 bata at kanilang mga magulang ang sumali sa Children's Congress ng foundation na nagsilbi ring maagang pagdiriwang ng Pasko. Enjoy sila sa mga aktibidad at mga interactive booth na inihanda ng Bantay Bata 163. Bilang dating Program Director nito, lagi kong inaabangan ang mga ganitong pagtitipon kung saan nabibigyan kami ng pagkakataong pagsama-samahin ang mga bata, mag-aaral, magulang, at iba pang mga katuwang na nangangakong isulong ang kapakanan at proteksyon ng mga bata.
Lalong naging espesyal ang taong ito sa paglulunsad ng Children and Youth Advocacy Council (CYAC) ng organisasyon. Ang CYAC ay binubuo ng anim na Filipino youth community ambassadors at advocates na pinili mula sa iba’t ibang lalawigan na siyang tutulong itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng mga bata.
“Magandang opportunity ito para maniwala sila sa sarili nila, na may boses din sila…. Mahalagang pinakikinggan at nirerespeto natin ang mga bata,” sabi ni ABS-CBN Foundation Managing Director Roberta Lopez-Feliciano.
Sang-ayon ako sa kanyang sinabi. Naniniwala ako na sa puso ng Pasko ay ang pagmamahal at ligaya ng isang pamilya. At ang isa sa mga susi nito ay ang respeto na ibinibigay ng mga miyembro ng pamilya sa isa’t isa. Ang pakikinig, di lamang ng mga bata sa mga matatanda, kundi maging ang pagpapahalaga ng mga matatanda sa opinyon at ideya ng mga bata.
Mga bata at pamilya bilang puso ng Pasko
Kung paanong ang Belen, o ang Nativity scene, ang nagsisilbing isa sa mga pinakamahahalagang simbolo ng Pasko, dapat ding manatili ang pamilya at mga anak sa sentro ng ating mga pagdiriwang. Habang lumilipas ang mga taon at nag-iiba ang mga tradisyon, bilang mga magulang at mga guardian, tungkulin nating ibahagi ang diwang ito sa ating mga anak, para matiyak na nauunawaan nila na ang puso ng Pasko ay hindi nakasalalay sa materyal na mga bagay kundi sa pagsasama-sama at pagmamahalan ng pamilya.
___
Sundan ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter at Kumu. Ibahagi ang inyong mga mungkahi at reaksyon sa editorial@jingcastaneda.ph. Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube, Kumu, at Jeepney TV (sa SkyCable Channel 9, GSat Direct TV Channel 55, at Cignal Channel 44, tuwing Sabado 5 p.m.).