Huwag nating pabayaan ang ating mata. Puwede rin itong magkasakit at masira kapag tayo’y maging pabaya. Para makaiwas sa mga seryosong sakit tulad ng glaucoma, diabetic eye disease at katarata, sundin ang mga payong ito.
1. Kumain ng pagkaing mabuti sa mata. Ang maberdeng gulay tulad ng kangkong, broccoli, camote tops (talbos) at spinach, ay nagpapalinaw ng ating paningin. Siyempre ang mapupulang karot, kalabasa at kamatis (3K’s) ay may taglay na vitamin A para sa mata. Ang dilaw na pakwan ay may sangkap na lutein na kailangan din ng mata. Ang pagkain ng matatabang isda tulad ng tuna, tamban at tanigi (3T’s) ay mahalaga rin.
2. Magsuot ng sunglass. Bukod sa pagiging sosyal at “in”, pinuprotektahan ng sunglass ang ating mata laban sa masasamang ultraviolet rays ng araw. Ang ultraviolet rays (UV rays) ay puwedeng “makasunog” sa looban ng ating mata (ang retina). Bumili ng sunglass na may markang UV-A at UV-B protection.
3. Mag-ehersisyo. Alam ba ninyo na ang 30 minutos na ehersisyo ay puwedeng magpababa ng pressure ng mata? Ang paghinga ng malalim at pag-relaks ay makatutulong din sa sakit na glaucoma, kung saan mataas ang pressure ng mata.
4. Mag-ingat sa sports. Puwedeng magsuot ng espesyal na protection eyeglasses, na nabibili sa mga sports shops. Gawa ito sa polycarbonate, isang uri ng matigas na plastic. Nakita mo ba ang mga NBA players na may suot ng salamin? Ito’y para protektahan ang kanilang mata.
5. Maghugas ng kamay. Para makaiwas sa sore eyes, maghugas palagi ng kamay. Huwag ding basta-bastang magkamot o punasan ang mata. Gumamit ng panyo o tissue.
6. Ipahinga ang mata. Puwedeng ipikit ang mata habang ika’y nakasakay sa kotse o kaya ay may kinakausap sa telepono. Matulog din ng 7-8 oras.
7. Maghugas ng mata sa paggising at bago matulog. Gumamit lang ng malinis na tubig.
8. Ipa-check ang blood sugar. Kung ika’y may diabetes, malaki ang tsansang magkaroon ng diabetic eye disease. Siguraduhin mababa ang iyong blood sugar sa pamamagitan ng ehersisyo at gamot.
9. Umiwas sa nakasisilaw na bagay. Huwag tumitig sa araw at maliwanag na ilaw. Ito ang pinakamahalagang payo para hindi masira ang ating mata. Subukan ding diliman ang ating computer screen at telebisyon para hindi masilaw.