Maraming nangyayaring aksidente ngayon sa kalsada na kinasasangkutan ng mga driver na lasing sa alak at lango sa droga. Ngayong Disyembre lamang, marami nang naiulat na aksidente na ang dahilan ay drunk driving. Hindi lamang mga driver ng kotse at truck ang napi-figure sa aksidente kundi pati na rin ang motorcycle riders. Kadalasang bumabangga ang motorcycle sa nasa unahang sasakyan at ang iba naman ay pumapailalim sa truck at nakakaladkad ng ilang metro. Patay ang rider. Ang masaklap pati angkas niya nadadamay.
Sa Road Crash Statistics ng Metro Manila Development Authority (MMDA) mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan, nasa 44,493 ang naganap na aksidente. Wala pa silang update ng Agosto-Disyembre na inaasahang mas marami pa dahil sa pagmamameho ng lasing ngayong holiday season.
Karaniwang nagaganap ang malalagim na aksidente sa kalsada sa madaling araw. Sa oras na ito natatapos ang mga pagtitipon o pag-iinuman ng mga magkakaibigan, magkakaklase at mga magkakaopisina. Marami ring bumabangga sa mga konkretong barriers o mga haligi ng MRT at LRT ganundin ng mga footbridges. Ang nakapanghihilakbot, inaararo pa ang mga taong nag-aabang ng masasakyan. Dahil sa kawalan ng disiplina sa pag-inom nang maraming alak, pati ang mga inosenteng commuters ay dinamay.
Hindi lamang sa Metro Manila nagkakaroon nang malalagim na aksidente dahil sa drunk driving. Maski sa probinsiya man ay may nangyayaring pagbangga ng sasakyan dahil sa kalasingan ng driver.
Noong nakaraang Nobyembre 1, isang mag-anak na nakasakay sa traysikel at pauwi sa kanilang bayan sa Quezon ang sinalpok ng isang pick-up na minamaneho ng lasing na drayber. Naganap ang trahedya sa Bgy. Bukal, Los Baños, Laguna. Apat ang namatay na pawang mga pasahero ng traysikel. Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng pick-up at nag-overtake sa sinusundang sasakyan kaya nasalpok ang traysikel na nasa kabilang linya. Nakakulong na ang drayber.
Mula nang lagdaan ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act, 10 taon na ang nakararaan, napakarami nang nangyaring malalagim na sakuna sa kalsada na ang ugat ay ang pagmamaneho nang lasing. Sa ilalim ng batas, ang mahuhuli na nagmamaneho nang lasing sa alak at lango sa droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P80,000. Magmumulta naman ng P200,000 hanggang P500,000 kapag may napinsala at namatay.
Magaan ang parusa sa mga lumalabag kaya nararapat amyendahan ang batas. Kung papatawan nang mas mabigat na parusa, posibleng wala nang lalabag sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act.