Nakatutulong nang malaki ang mga banko at lending firms sa mga nangangailangan, gayundin sa mga nagnenegosyong walang puhunan. Salamat at may lending facilities na maaasahan.
Ngunit kung sa kanilang paniningil ay tinatawagan ka o tini-text message araw-araw kahit isang linggo pa bago ang due date mo, nakaka-high blood! Natural lang na ang umutang ay ma-delay ng pagbabayad paminsan-minsan, lalo pa’t may lehitimong dahilan. Pero kung nagbabayad naman kasama ang ipinapataw na penalty for late payment, huwag naman silang mang-harrass. Sasabihin pang ipapasa nila sa legal department ang kaso kapag di nakapagbayad sa oras.
Siguro naman, walang kinalaman sa ganitong sistema ang banko mismo. Baka ito’y kagagawan ng inuupahan nilang collection arm na atat mademanda ang isang borrower dahil meron silang komisyon. Kaso, ang banko mismo ang nasisira ang reputasyon.
Iyan ang masaklap na karanasan ko sa aking credit card na kulay avocado at maroon. Nagkaroon ako ng mga late payment ng ilang beses na binabayaran ko naman.
Sa kabila nito, kahit sa Miyerkules pa, December 13 ang due date ko, nitong nagdaang linggo ay inuulan na ako ng personal na tawag, bukod pa sa mga text at recorded message.
Nung una nakakapagpasensiya ako pero ngayo’y umaakyat na sa ulo ang dugo ko sa ganitong sistema.
Ganyan din ang nangyari sa mga nagdaang due date na nabayaran ko naman. Siguro nga’y medyo late ako pero alam ko ang aking obligasyon at naayos ko.
Marahil hindi aware and pamunuan ng Edi Wow sa nangyayaring ito na malamang ginagawa ng call center o collection services na inuupahan nila para maningil.
Matagal ko nang banko ang Edi Wow at maganda ang reputasyon nito. Talagang Wow! Marami akong kaibigan diyan kaya sana pakisilip ang hindi magandang nangyayaring ito.