Awal sa mga abogado na magsiwalat o paglathala tungkol sa mga kasong hinahawakan niya upang mapigilan ang pagbunyag ng mga lihim o nakasisirang impormasyon tungkol sa mga Partido ng mga kasong ito. Ipapaliwanag ito sa kaso ni Atty. Mario Manalo.
Si Atty. Manalo ay abogado ni Mila na dinemanda ng kanyang asawang si Armando upang ipawalang bisa ang kanilang kasal. Habang dinidinig ang kaso naglathala sa Facebook si Atty. Manalo ng kopya ng petisyon sa kaso at nagpadala kay Romy anak ni Armando “upang makita ng iyong ama at huwag mo siyang gagayahin”. Ito ay may pamagat na “matalino at polygamong asawa at nagsasaad ng mga sumusunod:
“Matapos mag-asawa ng isang babae habang buhay pa ang unang asawa, na walang dudang isang krimeng bigamya, ang taong ito ay may lakas pa ng loob na magpetisyon upang pawalang bisa ang kanyang ikalawang kasal. Hiniling niya sa Korte na ipawalang bisa ang kasal dahil wala itong lisensiya. Pakay niya na ipawalang bisa ito upang hindi magtagumpay sa kasong bigamya laban sa kanya.
Sa kanyang sagot, inamin ni Atty. Manalo na inilathala niya ang nilagay niya sa FB at pinadalhan ang anak ni Armando na si Romy. Ngunit sinabi niyang ginagampanan lang niya ang kanyang tungkulin bilang abogadong tagapagsalita ng kliyente niyang si Mila. Hindi raw niya siniraan si Armando ng nilathala niya at nilagay niya ito sa FB at hindi ito isang paninirang puri. Sinabi rin niya ang mga nakasaad sa petisyon.
Ngunit sinabi ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na nilabag ni Atty. Manalo ang tuntunin tungkol sa kalihiman at pagtitiwala sa mga proseso sa Korte at nirekomenda nito na suspendihin si Atty. Manalo na mag praktis ng kanyang propesyon sa loob ng isang taon. Sinabi ng IBP na ang ginawa niya ay labag pa rin sa “Family Court Act” (RA 8369).
Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang desisyong ito ng IBP. Ayun sa SC ang isang abogado ay hindi pinapayagang hatiin ang kanyang personalidad bilang abogado at bilang mamayan na tagapagsalita lamang na gumanap ng kanyang karapatan.
Dito nilabag niya ang Family Court Act (RA 8369 Sec. 22) na nagbabawal maglathala o magsiwalat ng mga record sa Family Court cases. Ang abogado ay dapat gumamit lamang ng maganda at makatotohanang paraan upang makamtan ang mga legal na layunin ng kanyang kliyente (Velasco vs. causing, A.C. 12883, March 2, 2021.)