KAPAG may usok, may sunog.
Itong usok na bumubuga ngayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) base sa paglalantad ng dating Head Executive Assistant ni Chief Teofilo Guadiz ay hindi na bago.
Ang hubo’t hubad na katotohanan, hindi lang sa LTFRB nangyayari ang ganito.
I-deny man ng ilan diyan, ang tamaan ay mabukulan —nangyayari ang suhulan, butaw, quota o S.O.P mula sa ibaba, papunta sa taas sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno maging sa mga Government Controlled Corporations.
Kabahagi na yata kasi sa kultura’t operasyon ng bawat tanggapan ng pamahalaan sa Pilipinas ang nagaganap na “suwabeng” katiwalian. Nadidiskubre na lang ang modus kapag may kumakanta.
At sa anumang kadahilanan ng pagsisiwalat, maaaring diskuntentado man, may galit o gustong gumanti nang naglalantad ng katiwalian.
Ayon sa isang kasabihan, ang kawatan ay galit sa kapwa kawatan. Ayaw ng kawatan na malamangan siya ng kapwa kawatan.
For your information, kahit na sa mga tiwali at kriminal ay may code of ethics na sinusunod sa kanilang estilo ng krimen. It reminds me of a story, Alibaba and the forty thieves.
Walang baho na hindi sisingaw. Gaano man kaliit ang apoy o kahit baga pa lang ‘yan, may usok na lalabas.
Bakit talamak na naman sa mga tanggapan ang korapsiyon? Kailan ba masasawata ito?
Iba’t ibang presidente na ang nagdaan, iba’t ibang opisyales na ang itinalaga, pati mga empleyado, binago na rin. Subalit, ‘yung kultura ng “ang lagay eh” paano naman ako—nananatili pa rin.
Kapag nakita na mahina ang sistema, bubutasan. Kapag nabigyan ng oportunidad, gagalingan ‘yung naabutang kultura.
May saysay pa ba ang “Public office is Public trust?”