Isang grupo ng mga mambabatas sa pangunguna ni Rep. Joey Salceda ang naghayag na namiminto nang bumaba ang presyo ng mga bilihin at huhupa na ang mabilis na pagtaas ng inflation. Magandang balita iyan kung magkakatotoo.
Ngunit kung hindi matupad ang kanilang prediction, ang masisisi ay si Presidente Bongbong Marcos, hindi sila. Ang dahilan ng pagsadsad ng trust at approval rating ni Marcos ay ang mataas na presyo ng bilihin lalo na ang bigas.
Kahit anong hakbang ang gawin ng gobyerno, dumaraing pa rin sa mataas na presyo ang mga kababayan natin. Ipinatupad at inalis na ang price cap sa halaga ng bigas pero hirap pa rin ang mga ordinaryong mamamayan na mapaghusto ang kanilang badyet.
Ayon kay Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, ang dahilan ng mataas na inflation ay ang mataas na presyo ng krudong langis at bigas. Inaasahan umanong bababa na ang presyo ng crude oil sa world market gayundin ang halaga ng bigas dahil parating na ang anihan.
Ang alam kong dahilan kung bakit mataas ang presyo ng mga bilihin ay ang mataas na inflation rate na bunga ng umiiral na geopolitical conflict sa mundo. Naririyan ang tensiyon sa West Philippine Sea dahil sa ambisyong maghari ng China at ang di pa humuhupang hidwaan ng Russia at Ukraine.
Iwasan na lang sana ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagiging paasa. Kung hindi natutupad ang magandang prediksyon nila, lalong nawawasak ang kanilang imahe at kredibilidad.
Aminin na lang na mahirap salungatin ang masamang ibinubunga ng mga pandaigdig na sitwasyon at ipakitang kumikilos ang pamahalaan upang mabawasan ang mabigat na epekto nito sa mga mamamayan. Matalino naman ang mga Pinoy at nakauunawa sa sitwasyon basta huwag nang pangangakuan.