Walang kahit anong karapatang manakit

May karapatan ba ang guro na manakit ng mag-aaral, kahit bilang uri ng parusa para sa maling nagawa sa eskuwelahan? Wala! Ayon kay Department of Education spokesperson Asec. Francis Bringas, hindi puwedeng pisikal na parusa ang ipapataw ng guro sa nagkamaling mag-aaral.

Isang Grade 5 student sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo ang namatay matapos umanong sampalin ng kanyang guro. Ayon sa ina ng bata, sinabihan daw siya ng kan­yang anak na hinila umano ng guro ang kanyang kuwelyo, sinabunutan at sinampal. Nagreklamo ang bata na halos mabingi siya sa lakas ng sampal at nagreklamong masakit ang taynga. At ano ang dahilan ng pananakit sa bata? Nag­sumbong daw ito sa guro na maingay ang mga kaklase habang may pagsusulit.

Nakapasok pa ng tatlong araw bago magreklamo na masakit ang ulo at nagsimulang magsuka. Dinala sa ospital pero naging comatose at tuluyang namatay. Ang tinutukoy na guro ay naka-leave na muna sa pagtuturo at itinangging sinaktan niya ang bata. Natural. Pero napaka-detalye naman ng pahayag ng ina kung hindi magmumula sa bata.

Ayon sa mga kakilala kong doktor, malamang ay matapos­ masampal umano ang bata, nagkaroon ng maliit na pagdurugo sa utak. Ito ang maaaring dahilan kung bakit nakapasok pa ng paaralan ng tatlong araw bago nagreklamo ng sakit ng ulo. Ang pagsusuka ay indikasyon din na tumaas na nang husto ang presyon sa loob ng ulo dahil sa pagdurugo.

Nangatwiran naman ang DepEd na hindi pa puwedeng isailalim sa preventive suspension ang guro dahil wala pang pormal na kasong nakasampa sa kanya. Bukod sa matanggal sa trabaho, dapat lang iharap sa kriminal na kaso. Sinadya man o hindi, kung mapatunayang siya ang dahilan, dapat maparusahan. Hindi ko alam ang aking gagawin kung sa anak ko nangyari iyan.

Sana ay magsilbing babala ito sa mga guro na mababa ang pasensiya at mabigat ang kamay. Sinasabi na ang paaralan ay ang pangalawang tahanan ng bata. Pero walang kahit anong karapatan ang guro na pisikal na manakit sa mag-aaral, kahit gaano pang kasama ang ginawa. Nakahanda na ang PNP na magsampa ng homicide at paglabag sa Anti-Child Abuse Law laban sa guro.

Show comments