Matagal nang mayroong intelligence fund ang bawat ahensya ng pamahalaan, kahit yaong walang kinalaman sa national security at intelligence gathering. Wala pa ako sa media ay narinig ko na iyan.
Nagtataka nga ako noong araw kung bakit kailangan pa ng Intel fund ng mga ahensya na walang kinalaman sa pagbabantay ng pambansang seguridad.
Later, nang mapasok ako sa mass media na-realize ko na nagagamit ito ng ilang opisyal sa tinatawag na image building. Madalas ko kasing marinig noon ang payo sa mga may mahigpit na pangangailangan na lumapit kay “Secretary so and so” dahil Ito’y may confidential o intelligence fund.
Walang auditing ng COA palibhasa ang pondong ito kaya libreng gamitin ng mga opisyal sa ano mang paraan na ibig nila. Kaya nga tinatawag na “confidential fund.” Kaso dahil nga sikreto, nagagamit ito sa tiwaling layunin.
Kahit wala silang kaugnayan sa social work, nakatutulong sila sa mga mahihirap na nangangailangan ng financial assistance.
Kapag may fund raising campaign ang ilang pribadong samahan para sa itinatayong simbahan o ano man, maaari nilang lapitan ang kahit sinong opisyal na bukas-pusong magbibigay ng halagang hinihingi mula sa kanilang intel fund o confidential fund.
Walang kaibhan ang gamit nito sa pork barrel na bagama’t tinanggal na “kunu” ay nagagamit pa rin ng mga mambabatas na nagpapapogi.
Ipinasya na raw ng Kongreso na alisin ang Intel fund ng mga ahensya walang kinalaman sa intelligence gathering. Kailangan naman talaga na may ganitong pondo na gagamitin nang wasto sa pangangalap ng mga impormasyon para mapangalagaan ang national security.
Ngunit kailangang magpatupad ng safety measures para maiwasang gamitin sa katiwalian ang pondo.