EDITORYAL — Air pollution: Tahimik na killer sa MM
NABALOT ng smog (smoke at fog) ang Metro Manila. Nagmistulang mga nakabitin ang smog sa papawirin. Halos walang makita dahil sa kapal nang nakabalot na smog kaya sinuspende ng local government units (LGUs) ang klase. Nangamba naman ang maysakit na hika at iba pang may problema sa respiratory system dahil posibleng maapektuhan ang kanilang paghinga. Lubhang delikado lalo na sa mga bata ang usok na nakabalot sa Metro Manila. Kahapon, kapansin-pansin pa rin ang smog, dahilan para maging makulimlim ang panahon.
Ayon sa PAGASA ang usok na nakabalot sa MM ay haize. Ito ang air pollution na nanggagaling sa mga sasakyan na yumayaot sa Metro Manila. Karamihan ng mga sasakyan na binubuo ng mga pampasaherong dyipni, bus at taxi ang pinanggagalingan ng nakalalasong usok. Ang mga sasakyan na ito ay hindi na dumaraan sa regular na pagmimintina at yaot na lang nang yaot.
Sa pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang mga sasakyan ang numero unong nagdudulot ng air pollution sa Metro Manila. Umano’y 70-80 percent ng emissions ay galing sa mga tambutso ng mga pampasaherong sasakyan. Ang maruming usok na binubuga ng mga ito ang nalalanghap ng commuters. Sa araw-araw na paglanghap sa nakalalasong usok, unti-unti rin ang pagpatay sa mga tao. Dahan-dahan at hindi nila nalalaman.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga sakit na nakukuha sa paglanghap ng hangin na may lason ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon sa report, 120,000 Pilipino taun-taon ang namamatay dahil sa pagkalanghap ng maruming hangin. Ayon pa sa pinakahuling pag-aaral, number three ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na maraming namamatay dahil sa air pollution.
Mabigat ang problema sa air pollution at kung walang gagawing hakbang ang pamahalaan, maraming magkakasakit at ang pamahalaan din ang mahihirapan sapagkat dadagsa sa ospital ang mga magpapagamot.
Ayon sa DENR, mayroon daw 33 air monitoring stations sa MM pero kailangan daw itong i-upgrade. Ang mga nasabing monitoring stations ang nagdedetermina ng kalidad ng hangin sa MM. Kung kailangang imodernisa ang mga kagamitan sa pagsusuri sa kalidad ng hangin, gawin na ito. Ano ang silbi nang malaking budget ng DENR kung mga kagamitan ay mga luma na.
Ipatupad din naman ng DENR ang nakatadhana sa Clean Air Act of 1999 ukol sa tamang pagsusunog sa mga basura. Magkaroon din naman ng smoke belching campaign para masiguro na ang mga sasakyang yumayaot ay hindi nagbubuga ng nakakalasong usok. Huwag ningas kugon sa pagpapatupad ng batas laban sa air pollution.
- Latest