Ipinahayag ni Capiz Gov. Fredenil Castro na maghinay-hinay sa pagluluwas ng palay o bigas na galing sa kanyang lalawigan. Ngayong patuloy ang pagmahal ng bigas sa merkado tiyak na marami ang magugutom kapag kinapos ng supply ang Capizeños.
Hindi maipagkakaila na maganda ang ani ng palay sa mga lugar ng Panay, Maayon, Pontevedra, President Roxas, Pilar, Panitan, Sigma at Cuartero at ilan pang mga bayan ng Capiz. Ito ay sa kabila ng naranasang pagbaha dulot ng mga nagdaang bagyo. Kahit nabaha ang ilang lugar dahil sa walang tigil na pag-ulan, maganda ang ani ng mga magsasaka sa Capiz.
Ang problema, maraming negosyante ang namamakyaw ng palay sa mga magsasaka dahil mataas ang kanilang presyo kaysa National Food Authority. At hindi masisisi ang magsasaka na magbenta sa mga negosyante na may mataas na presyo para mabawi ang kanilang nagastos sa pagtatanim, ipinambili ng fertilizer, pesticide at bayad sa makinarya sa panahon ng anihan.
Ang mga nabibiling palay ng mga negosyante ay iniluluwas pa ng Metro Manila at naipagbibili ng mas mataas na halaga. Kaya kapag naubos na ang palay sa lalawigan siguradong mag-iimport na naman ng bigas ang NFA para punuan ang pagkukulang ng bigas.
Sa ngayon, maraming imported rice ang binibenta sa Capiz kaysa sa mga sariling ani. Ang 25 kilos ng bigas ngayon ay umaabot na sa P1,200 at umaaray na ang mga mahihirap na kababayan sa Capiz.
Kaya mahigpit ang panawagan ng Capiz governor na maghinay-hinay ang mga negosyante sa pagluluwas ng bigas sa Maynila at baka maubos ito. Tiyak magugutom ang kanyang mga kababayan.
Pinagtutuunan din ng governor ng pansin ang floodways sa kanyang probinsiya upang huwag magbaha sakali at umapaw ang Agbalo River at ang tubig na galing sa bulubundukin ng Cuartero, Dao, Dumalag, Ivisan, Jamindan, Mambusao, Sapia-an, Sigma at Tapaz.
Kapag nagpakawala ng tubig ang tatlong dam, babahain ang mga palayan at palaisdaan sa Panay, Pontevedra, Maayon at panitan dahil konektado ang Agbalo River na pangunahing daluyan ng tubig baha patungo sa dagat.
May mga plano na ang governor sa pagpapagawa ng flood ways o spillways subalit kailangan ang malaking pondo para maisakatuparan ang mga proyekto.
Sa pagkaalam ko ang Panay ay tinaguriang second rice granary ng Pilipinas noong panahon ni dating President Ferdinand Marcos Sr. dahil sa kasipagan ng mga Capizenos sa pagtatanim ng palay.
Akma ito sa programa ni President Ferdinad Marcos Jr na food production kung malalaanan niya ng pondo ang pagpapagawa ng flood ways o spillways upang lalong maging produktibo ang Capiz sa pagtatanim ng palay, tubo at mais. Kasama rin diyan ang fishpond production at sea foods.
Kaya suportado ng mamamayan ang programa ng governor dahil marami ang makikinabang.
Abangan.