Ilang taon na ang nakararaan, naisulat ko na sa kolum na ito ang aking mungkahi na gawing school buildings ang mga container na ginagamit sa delivery ng malalaking trak. Ito’y bilang tugon sa malaon nang suliranin sa kakapusan ng mga classrooms. Hindi pa uso noon ang mga tinatawag ngayong “smart house” na ginagawang murang pabahay sa mga mahihirap. Ang mga ito ay gawa sa mga pinaglumaang containers ng mga trucking companies.
Mayroon nang mga enterprising businessmen na nakaisip din ng ideyang ito para mabigyan naman ng pagkakataon ang mga mararalita na magkaroon ng disenteng matitirhan. At maganda naman ang disenyo at presentasyon ng mga tahanang yari sa mga containers. Sinasapinan lang ng insulation ang dinding ng mga ito para hindi mainit at maging komportable ang mga naninirahan dito.
Kung ihahambing sa mga conventional houses na ginagamitan ng semento at hollow blocks, higit na mura ito at mabilis gawin. Taun-taon na lang ay tumataas ang mga nagsisipag-enrol na mag-aaral kaya nagkakaroon ng matinding kakulangan sa mga classroom. Madalas nga, nababalitaan natin na ang mga elementary pupils ay nagkaklase sa ilalim nga mga punongkahoy lalo na sa mga lalawigan.
Para sa pagbubukas ng klase sa taong ito, tinatayang 159,000 ang kakulangan sa mga classrooms sa buong bansa. Ito ay para sa mga inaasahang mag-aaral na papasok sa K12 sa mga pampublikong paaralan. Sa palagay ko, ito ang pinakapraktikal na solusyon sa problema. Kung kulang man sa budget ang pamahalaan para magtayo ng ganyan karaming silid aralan, naniniwala ako na ang pagtatayo ng mga gusali gamit ang mga containers ay magiging abot-kaya.
Puwedeng himukin ang mga trucking companies na magdonasyon ng kanilang pinaglumaang containers at ang kanilang donasyon ay maaaring gawing tax deductible. Maaari rin naman na bilhin ng gobyerno ang mga gagamiting containers. Magandang programa ito para magkatuwang na magtutulungan ang gobyerno at mga pribadong negosyo sa pagsusulong ng de kalidad ng edukasyon sa bansa.