Ang mayor ng Pontevedra, Capiz na si Henry Tumlos ay dating barangay chairman ng Hipona. Hindi basta-bastang mga pulitiko ang nakalaban niya sa pagka-mayor noong nakaraang eleksiyon.
Si Tumlos ay mahigit isang dekadang naging chairman ng Barangay Hipon na may malinis na record at talaga namang malapit sa puso ng mga mamamayan doon. Kaya naman malaki ang inasenso nang naturang barangay mula nang pamunuan niya ito. Madali kasi siyang lapitan sa oras ng pangangailangan lalung-lalo na tuwing may kalamidad.
Nalaman ko na si Tumlos ay walang record na naglustay ng pondo ng barangay. Nalaman ko rin na ang kanyang suweldo ay ibinibigay niya sa mga kapuspalad niyang constituent lalo ang mga may sakit at nagugutom. Kaya nang sumabak sa pagka-mayor, hindi siya binigo ng mga taga-Pontevedra.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pagtulong ni Tumlos sa mga kababayan niya sa pamamagitan ng pagbibigay ng ayuda. Ang mga benepisyo ng mga senior citizens ay patuloy nilang tinatamasa.
May panukala si Tumlos sa mga residente ng Bgy. Ilawood na i-rehab ang pampang ng Agbalo River mula sa pamilihang bayan ng Pontevedra hanggang Sitio Baybay. Aabutin ng P100 milyon ang pondo para rito.
Sana masuportahan ng office of the governor at DPWH ang panukala ni Tumlos. Malaking bagay ang rehabilitation ng Agbalo River dahil tuwing bumabaha, maraming residente ang nanganganib ang buhay.
Ang Pontevedra ay pinakamalaking sources ng seafood sa Capiz. Dito nagmumula ang mga masasarap na alimango, sugpo, bangus at talaba. Kaya ang rehab ng Agbalo River ay malaking tulong sa mga residente para hindi masira ang kanilang mga tahanan at fishponds.
Malaking tulong din kung maisasaayos ang pampang ng ilog upang maging ligtas na pasyalan. Magiging sentro rin ito ng komersiyo ng bayan.
Ang reklamo lang ng mamamayan, bigyang-pansin ni Tumlos ang mabahong tubig na dumadaloy sa bawat bahay. Hindi na masikmura ang amoy ng tubig dahil hindi magamit sa pagluluto.
Inirereklamo rin ang mga kawad ng internet providers at cables na nakalaylay sa mga kalsada. Mapanganib dahil tuwing may daraan na mga malalaking sasakyan, nasasabit ang mga ito. Maaaring maaksidente ang mga motorista.
Abangan.