SINUSPENDE ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 7 ang 22 reclamation projects sa Manila Bay, maliban sa isang kompanya na dumaan na umano sa pagsusuri at naisyuhan na ng environment clearance certificates (ECC). Sabi ni Marcos sa pagsuspende sa reclamation projects, marami raw problema kaya sinuspende niya. Marami raw nakitang hindi magandang patakbo. Hindi maayos ang pamamahala at operasyon. Daraan daw muna sa pagrerebyu ang lahat nang reclamation projects, sabi ni Marcos.
Marami na sana ang natutuwa sa ginawa ni Marcos na pagsuspende sa lahat nang reclamation projects sa Manila Bay pero may mga nadismaya sapagkat marami pa rin palang lugar sa bansa na patuloy ang reclamation at mas malala pa ang nangyayari.
Halimbawa ay ang nangyayaring reclamation sa Isla Verde sa Batangas kung saan ginagawa ang liquefied natural gas terminals at power plants doon. Ang reclamation sa Isla Verde ay malaking banta sa nasabing lugar. Masisira ang lugar na kilala sa mundo sapagkat dito matatagpuan ang mayayamang coral reefs. seagrasses at marine fauna. Kapag pinagpatuloy ang reclamation at konstruksiyon tuluyang mawawasak ang mundo ng mga lamandagat sa lugar. Ang Verde Island Passage ay kilala sa buong mundo dahil ito ang sentro ng global shore-fish biodiversity. Tahanan ng whale sharks, sea turtles at iba’t ibang corrals.
Sa Cavite man ay patuloy din ang reclamation projects. Maraming vessels ang nagsasagawa ng dredging sa dalampasigan ng Rosario, Noveleta, Tanza at Naic. Hindi lamang masisira ang kapaligiran sa mga nabanggit na bayan kundi mawawalan ng ikabubuhay ang mga mangingisda. Pawang ang pangingisda ang pinagkakakitaan ng mga tao. Kung magpapatuloy ang reclamation, para na ring pinatay ang mga taong umaasa ng ikinabubuhay sa dagat.
Ang pagkilos naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ukol sa mga kompanyang ipinipilit ang reclamation sa kabila na ipinatitigil na ito ng Presidente ay nararapat.
Naniniwala kami na may tapang si DENR Sec. Loyzaga na ipatupad ang kautusan ng Presidente na nagsususpende sa lahat ng reclamation projects. Ipakita ng DENR ang ngipin laban sa mga gahamang kompanya na ipinipilit ang kanilang kagustuhan para sa sariling kapakanan at hindi sinasaalang-alang ang mamamayan at kalikasan.
Maraming mali sa reclamation project na dapat isaayos. Isa sa nakitang mali ay ang paglubog sa baha hindi lamang ng Metro Manila kundi mga karatig probinsiya. Itigil nang tuluyan ang reclamation projects.