Ano ang dahilan ng anemia?

NARANASAN mo na ba na parang pagod na pagod? May nagsabi na ba sa iyo na ikaw ay maputla? Ikaw ba ay buntis o lampas sa edad 60? Kung ganoon, ipa-check ang iyong dugo para sa anemia.

Ang anemia ay isang pangkaraniwang kondisyon kung saan kulang sa pulang dugo (red blood cells) ang katawan. Alam natin na ang pulang dugo ang nagdadala ng oxygen sa katawan.

Kadalasan, ang anemia ay tinatawag na iron-deficiency anemia (IDA). Ang dalawang pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan ng nutrisyon mula sa pagkain at ang pagkakaroon ng anumang pagdurugo sa katawan.

Ayon sa DOST at FNRI Seventh National Nutrition Survey noong 2008, ang iron-deficiency anemia ay nakaaapekto sa apat sa bawat 10 buntis sa Pilipinas. Para sa mga sanggol mula anim na buwan hanggang isang taon, 56% ay may anemia rin. Sa mga batang edad isa hanggang 12 taon, may 20% ang anemic din. Pagdating naman sa mga edad 60 pataas, may tatlo sa bawat 10 senior citizens ang kulang sa dugo.

Ano ang komplikasyon nito? Para sa mga buntis, puwedeng mapaaga o maging premature ang pagsilang ng sanggol. Para sa batang may anemia, puwede silang maging pandak, payat, masakitin at hirap sa pag-aaral.

Ano ang sintomas at gamutan sa anemia? Kapag bahagya lang ang kakulangan ng dugo, marahil ay walang sintomas ang mararamdaman. Ngunit kung mabilis ang pagbaba ng iyong hemoglobin count o mababa sa 10 mg/dL ang hemoglobin ay may mararamdaman ka na. Ang pangkaraniwang sintomas ng anemia ay panghihina, pagkahilo kapag tumatayo, hinihingal at palpitasyon.

Para malaman kung ikaw ay may anemia, magpakuha ng CBC (complete blood count) para makita ang lebel ng hemoglobin at hematocrit sa dugo.

Ang good news sa sakit na anemia ay madali lang itong gamutin:

1. Kumain ng mga pagkaing mataas sa iron. Sa mga karne, mataas ang iron sa atay ng baka, laman ng baka, baboy at manok. Sa mga hindi gaanong kumakain ng karne, makakakuha rin ng iron sa maberdeng gulay tulad ng spinach, malunggay, kangkong, beans, peas, at patatas na may balat. May mga tinapay at cereals na may dagdag iron.

2. Kumain din ng pagkaing mataas sa vitamin C. Nakatutulong ang vitamin C sa pag-absorb ng iron sa katawan. Mayaman sa vitamin C ang prutas tulad ng dalandan, orange, pinya at suha.

3. Puwede ring uminom ng Iron tablets tulad ng ferrous sulfate tablet at mga multivitamins na may iron. Gawin ito ng isang buwan at siguradong tataas na ang hemoglobin sa dugo. Tandaan: Kapag may anumang pagdurugo sa katawan, kumonsulta sa doktor.

Show comments