Pinagpala ang mga taga-Taguig City. Hindi la’ng dahil paborableng hatol ng Korte Suprema sa territorial dispute nito sa Makati kundi dahil sa mabilis na pag-unlad ng lungsod, isama pa riyan ang mga benepisyo sa mga residente rito. Mula nang mapunta sa Taguig ang Fort Bonifacio, ginamit ng lokal na pamahalaan ang naturang lupain upang sumigla ang imprastruktura sa lungsod. Iyan ang naghudyat sa mabilis na pag-unlad ng Taguig na dati’y isa lang ordinaryong bayan sa Rizal.
Napakabilis ng pag-asenso ng Taguig! Maaari na itong ikumpara sa mga modernong lungsod sa buong mundo. Mahusay ang mga network ng kalsada dahil sa de-kalibreng urban strategic planning para maging world class ang siyudad. Ang sistema ng transportasyon ay naging moderno. Iyan marahil ang isa sa mga batayan ng Korte Suprema upang ang Taguig ang paboran sa territorial dispute nito sa Makati City.
Epektibo ang partnersip ng Taguig sa private sector upang magkaroon ng mga commercial at residential space na lumikha ng sandamakmak na trabaho para sa mga residente nito. Suma-total, tumaas ang kalidad ng buhay ng mga taga-Taguig. Binigyan din ng prayoridad ng pamahalaang lungsod ang kahalagahan ng edukasyon. Ang mga residente ay may access para magtamo ng de-kalidad na edukasyon mula sa pre-school hanggang kolehiyo.
Mayroon ding mga scholarship program sa mga karapat-dapat na kabataan at financial assistance program upang maging abot kaya ng lahat, mayaman man o mahirap ang pag-aaral. Top priority rin ng lungsod ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga residente nito. May mga makabago at high-tech na pasilidad at mayroon ding mga kawani na pawang eksperto sa larangan ng kalusugan.
Bukod diyan, kinakalinga rin ng Taguig local government ang mga senior citizens ng lungsod sa pagbibigay ng libreng at regular na medical check-up sa mga ito. Napakinabangan ito lalo na noong pandemic kung kailan naging maganda ang vaccination program ng lungsod, kaya naman kumpara sa lahat ng bayan sa Pilipinas, nakapagtala ang siyudad ng pinakamababang bilang ng mga namatay sa COVID-19.
Sa larangan naman ng ekonomiya, ang mga polisiya ng local government sa Taguig ay masasabing investor friendly. Madali at mabilis ang pagkuha ng business permit, at may insentibo pa sa mga negosyante lalo na sa mga maliliit at katamtamang negosyo. Nasa top priority rin ng Taguig ang sustainable development at environmental stewardship. May mga patakaran ang lungsod upang mapangalagaan ang likas na yaman nito.
Sa harap ng mga kaunlarang ito ng lungsod dulot ng mahusay na pamamahala, ang masasabi ko lang ay, sana all!