Babala sa mga abusado, bastos, barubal na mga kilalang tao na ginagamit ang pangalan naming mga Tulfo.
Kahit sino pa kayong mga hestas, hudas o barabas, kapag kayo’y isinumbong sa amin at nakita namin na may pang-aabuso at pagmamalabis, hindi namin kayo sasantuhin!
Huwag na huwag ninyong gagamitin ang pangalang dinadala ko at ng mga kapatid ko na akala ninyo ligtas na kayo.
Wala akong pakialam kung sino sa aming Tulfo Brothers ang kilala n’yo. Kapag kayo’y bastos at nagmamalaki na kilala ninyo ang mga kapatid ko, putris, malilintikan kayo!
Tulad nang nangyari nitong mga nakaraang araw. Isang kasambahay ang pumila sa BITAG Action Center. Sumbong ng pobreng ginang, binato siya ng matigas na bagay sa ulo ng kanyang amo.
Kami sa BITAG balanse kaming magtrabaho. Kinukuha namin ang panig ng inirereklamo bago kami manghimasok sa isang reklamo. Hindi porke’t naunang nagsumbong sa amin ang isang indibidwal siya na ang paniniwalaan namin.
Entonses, magalang naming tinawagan ang inirereklamong amo na nambato sa kanyang kasambahay. Layunin namin na birepikahin sa kanya ang identidad ng nagrereklamo at para ipaabot na may reklamo laban sa kaniya.
Ang bungad agad ng inirereklamong amo, kaibigan daw niya ang isang matandang lalaking kapatid ko. May karapatan daw siyang sabihan ako, si Ben Tulfo na huwag eere ang reklamo ng kanyang kasambahay. Buwisit!
Babae pa man din ang inirereklamo. Film director daw. Mukhang malakas ang hangin sa ulo dahil siya na ang gumawa ng mali, siya pa ang nagdidikta sa amin.
Hindi na bago sa BITAG ang ganitong uring insidente kung saan ‘yung mismong inirereklamo pa ang matapang at nagsisiga-sigaan.
Marami na kaming na-encounter na may mga sapak tulad ng film direktor kuno. Mayroong vlogger na ipinagmalaki ang matandang utol ko. May isang babaing vlogger na nagpa-public service kuno pero nagpapabayad. Mayroong isang empleyado raw sa Malacañang na nanapak ng delivery rider dahil nahuli lang ng konti ang dating ng kanyang pagkain at marami pang iba. Isama na natin itong babaing amo na nambato sa ulo ng kasambahay ng matigas na bagay.
Kaming magkakapatid na T3, ako, si Raffy at si Erwin, iisa ang dugo na nananalaytay sa amin. Serbisyo Tulfo, Tulong Tulfo, Tatak Tulfo.
Malambot ang puso namin sa mga inaapi at inaabuso. Marunong kaming umunawa, maawa, tumayo at magtanggol. Madali kaming lapitan, madaling takbuhan at madaling umaksyon.
Kaya sa mga talpulano’t talpulanang nagmamalaki at nagmamayabang gamit ang pangalan ng mga Tulfo Brothers para pagtakpan ang kanilang katarantaduhan—
akala siguro nila masisindak kami, huwag ninyo nang subukan. Hindi kayo ligtas!