ISINUSULONG ngayon sa Kongreso ang pagbabalik sa dating school calendar upang hindi malantad sa grabeng init kung Abril at Mayo ang mga estudyante. Sa bagong school opening, nagsisimula ito kung Agosto at nagtatapos ng Mayo. Dusa ang mga mag-aaral sa panahon ng summer sapagkat mistulang oven ang classroom. Maski may electric fan sa classroom, hindi kaya ang matinding init. Ang lumalabas na hangin sa electric fan ay mainit din. Hindi lamang mga estudyante ang nahihirapan kundi pati mga guro. Magkakasakit ang mga guro at estudyante sa matinding init na dinaranas. Malaking isyu kapag may mga estudyante na nagkasakit.
Isang halimbawa ay nang maospital ang 145 estudyante makaraang mahilo at himatayin dahil sa matinding init noong Abril sa Occidental Mindoro. Nahirapang huminga ang mga estudyante at may nahimatay. Ang iba ay sumakit ang ulo dahil sa matinding init.
Nang buwan ding iyon, mahigit 100 mag-aaral sa Gulod National High School sa Cabuyao City Laguna ang isinugod sa ospital matapos himatayin sa matinding init sa isinagawang fire drill. Hindi umano sinabi sa mga estudyante na magkakaroon ng drill.
Ang pagbabalik sa June opening ng klase ay pinanukala ni ACT Teachers party-list Representative France Castro. Sa ilalim ng kanyang panukala (House Bill 8550) ibabalik sa Hunyo hanggang Marso ang pasukan. Ayon kay Castro, ang School Year 2024-2025 ay magsisimula sa unang Lunes ng Hunyo. Sinabi ni Castro, hindi angkop lalo sa kalusugan ng mga guro at mag-aaral ang pasukan na nagsisimula sa Agosto at matatapos ng Mayo. Sobrang nakalantas sa matinding init ang mga estudyante at guro sa summer months.
Nararapat nang pag-aralan ang panukala na ibalik sa Hunyo ang pasukan. Nakakaawa naman ang mga estudyante at guro kung nakababad sa init sa classroom. Sa halip na makapag-concentrate ang mga mag-aaral sa kanilang aralin, hindi sila komportable dahil sa sobrang init. Wala namang maibigay na electric fan ang Department of Education (DepEd). O kung meron man, hindi rin kayang palamigin ang nagbabagang classroom.
Ibalik na lang sa dati ang school opening para sa kapakanan ng mga estudyante at ng mga guro na rin.