^

PSN Opinyon

Sakripisyo sa pamilya ng OFW

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kabilang sa mga peligro sa pangingibang-bansa ng mga pamilyadong overseas Filipino worker ang panganib na mawasak ng kanilang pamilya. Hindi lang iyon posibilidad. Talagang nangyayari sa tunay na buhay ng maraming OFW. Nagagawa halimbawa ng isang OFW na makipagrelasyon sa ibang lalake o babae habang nasa ibang bansa siya kahit meron siyang asawa sa Pilipinas. O kaya, habang kumakayod sa ibayong-dagat ang isang OFW, kinakaliwa naman siya ng asawa niyang naiwan niya sa Pilipinas. Tuluyang nagkakahiwalay ang isang mag-asawa.

Hindi na mabilang ang mga tahanang nawasak sa pakikipagsapalaran ng ilang OFW sa ibayong-dagat. Ito ang mga bagay na dapat sanang pinaghahandaan ng sino mang pamilyadong Pinoy na nais maghanap ng magandang kapalaran sa ibang bansa. Maraming sakripisyong dapat isaalang-alang  at pag-aralang mabuti bago iwanan ang isang pamilya kahit ito ay para sa kanilang magandang kinabukasan tulad ng kahandaan ng isip at damdamin sa maaaring mangyari habang ang isa sa kanila ay nagbabanat ng buto sa malayong lugar. Madaling mangako ng katapatan pero mahirap salagin ang tukso ng laman.

Isang halimbawa ang kaso ni Jovelyn Lontoc, isang 52-anyos na OFW na tubong- Aritao, Nueva Vizcaya at meron nang sariling tahanan sa General Trias, Cavite. Dalawa ang kanyang anak pero hiwalay na siya ngayon sa ama ng mga ito. Isang beses pa lamang siyang nagpalit ng mga amo sa 20 taon niyang pagtatrabaho sa Hong Kong pero kapwa naging mabait at galante sa kanya ang una at pangalawa niyang employer.

Buo pa ang kanyang pamilya nang una siyang umalis sa Pilipinas para magtrabaho bilang domestic worker sa Hong Kong noong 2003.

“Noong umalis ako sa Pilipinas ay punong-puno ng pangarap ang aking puso at isipan, at ang tanging hangad ko ay mabigyan ng magandang kinabukasan ang aking mga anak. Buong-buo din ang tiwalang binigay ko sa aking asawa sa aking paglisan. Balak ko na magkaroon ng sariling bahay dahil nakikitira lang kami noon sa aking mga biyenan,” pagbabahagi ni Jovelyn sa Sun HK. Nabatid na nakabili siya nang bahay sa Pilipinas sa panahon ng pagtatrabaho niya sa Hong Kong.

Bagaman taong 2013 pa niya nabalitaang may ibang babae ang kanyang mister ay tuluyan niya itong nakumpirma ang bangungot na ito sa sumunod na taon. Buntis ang kabit ng kanyang mister na itinira pa nito sa bahay ng kanyang mga biyenan. Para siyang kandilang nauupos at puro galit ang laman ng puso.

Nagtatrabaho pa siya noon sa una niyang mga amo at hiningi niyang umuwi pero hindi siya pinayagan dahil katwiran nila,    “kung hindi ako mamamatay ay ako ang makapatay dahil sa galit na nararamdaman ko.” Nagalit din siya sa kanyang amo at hindi siya makapag-isip nang matino kaya lagi siyang napapaaway dito na ang mga simpleng bagay ay pinapalaki niya.

Dumating siya sa puntong gusto niyang magpatiwakal. “Isang araw, 2am, ay parang mababaliw na ako sa sobrang pag-iisip kaya nawala ako sa aking sarili. May narinig akong boses na tumatawag sa akin na lumabas ako sa terrace at umakyat sa ibabaw ng washing machine at tumalon sa bintana mula doon. Nasa ika-39 na palapag kami ng Bel Air noon. Yung boses na bumubulong sa akin, ang sabi ay isang hakbang na lang at nasa baba ka na. Punong puno ng luha ang mga mata ko noon at gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Pero nagising ang alaga ko noon at umiyak nang walang dahilan kaya na-distract ako sa plano ko na wakasan ang buhay ko. Bumaba ako sa washing machine at nanginig ang aking mga tuhod nang mapatingin ako sa ibaba. Pumasok ako sa kuwarto namin at hinalikan ang alaga ko dahil niligtas niya ang buhay ko,” paglalahad ni Jovelyn.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting naghilom ang sugat sa puso niya. Naging aliwan niya ang social media tulad ng Facebook. Noong 2015 ay nakauwi siya sa Pilipinas, nakipaghiwalay siya sa kanyang asawa. Pinayuhan niya ang kanyang mga anak na  magpakatatag at magpakalakas sila dahil sa mga ito siya huhugot ng lakas para kayanin ang bawat pagsubok na darating sa sa kanila.

Pagkaraan ng 14 na araw ay bumalik siya sa Hong Kong pero hindi nagtag ayal umalis siya sa una niyang amo at nakahanap siya agad ng ibang employer. Sa pangalawa niyang amo ay sunod-sunod ang mga biyayang natanggap niya rito. Hinahayaan siyang magbakasyon sa Pilipinas kapag graduation sa eskuwelahan o birthday ng mga anak niya na nireregaluhan pa ng kanyang mga amo.

“Nakuha ko ang tiwala ng mga amo ko dahil nakita nila kung paano ko alagaan at asikasuhin ang anak nila habang sila ay nasa trabaho. Kahit may tatlo kaming CCTV ay hindi ako kailan man nailang na gampanan ang aking trabaho. Mabisita at mahilig sa party ang mga amo ko pero hindi ako nagrereklamo kahit madalas na late na ako matapos. Inilagay ko na sa puso’t isipan ko na trabaho ang ipinunta ko dito para sa kinabukasan ng aking mga anak,” wika pa ni Jovelyn.

At, higit pa rito, nitong taong ito, siya at ang kanyang mga anak ay isinama ng kanyang mga amo sa pagbabakasyon ng mga ito sa Thailand. Ang mga amo niya ang gumastos sa lahat ng pangangailangan nilang mag-ina at maging ang pagbabakasyon ng mga anak niya sa Hong Kong.

* * * * * * * * * * *

Email- [email protected]

_________________

FILIPINO WORKER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with