Ilegal na aangkat ng bigas ang National Food Authority. Garapalang pina-aprobahan ng NFA at Dept. of Agriculture kay Bongbong Marcos nu’ng Abril 13 ang maitim na balak. Inuuto nila ang Presidente. Akala siguro nila na kapag aprobado ni Marcos Jr. ang baluktot ay tutuwid ito.
Pinaalis ng Rice Tarrification Law (RA 11203) ang NFA sa kalakal ng bigas. Mga pribadong indibiduwal o kumpanya lang ang maaring umangkat sa taripang 35%. Nilimita ang NFA sa buffer stocking, o pag-imbak pang-emergency tulad ng bagyo, baha, lindol. Ang imbak na ito ay dapat bilhin sa mga magsasakang Pilipino hindi sa dayuhan.
Wawaldasin ngayon ng NFA ang P9 bilyon na pang-buffer stock. Pera ‘yan ng bayan na dapat gamitin sa kapakanan ng magsasakang Pilipino. Payayamanin ng NFA ang traders sa Vietnam, Thailand, Cambodia, China at India. Bakit?
Kickback, tong-pats, komisyon ang dahilan. Lumang racket ng NFA, DA at Malacañang officials na pagkitaan ang pag-angkat ng bigas. Milyun-milyong dolyar o bilyon-bilyong piso ang binubulsa nila.
Aangkating buffer stock ng NFA ay 330,000 tonelada o 6.6 milyong sakong bigas. Kalimitang patong ng kawatang opisyal ay $10 (P540) kada sako. Sa pakanang ito, $66 milyon o P3.5 bilyon agad ang ibubulsa. Pinagkikitaan din ang mismong sako: $1 o P54 ang patong kada isa. Sa pakanang ito, $6.6 milyon o P350 milyon ang kita sa sako pa lang.
Idagdag pa ang kikikiling patong mula sa kinontratang magbabarko, magdidiskarga at magta-truck ng 6.6 milyong sako patungo sa 16 NFA regional bodega. Tiba-tiba sina kawatan.
Tinatalikuran ng NFA at DA ang tungkulin nila. Dapat tulungan ang magsasakang Pilipino. Bilhin ang ani ng mga ito. Bigyan ng murang binhi at epektibong fertilizers, pesticides, fungicides. Irigasyon at training. Mechanical driers para hindi lang 65% ang matirang bigas mula palay. Malamig na silos, 21 degrees Celsius, para hindi bukbukin.