Mula nang ako’y isang paslit, problema na sa bansa ang private armies ng mga pulitikong nais maghari-harian sa mga lugar na kanilang nasasakupan. Sa kabila ng pagtatangka ng mga nakaraang administrasyon na supilin ito, naririyan pa rin ang salot.
Higit na masahol noong dekada ‘60 nang ang hidwaan ng mga pulitiko ay umaabot sa panununog ng buong barangay. Nang maging Presidente si Marcos Sr. at gawin niyang nationalized ang pulisya na tinawag na Integrated National Police (INP) ay lalong naging grabe ang sitwasyon.
Mga pulis na mismo ang naging private army ng mga lokal na opisyal na ibig maghari sa kani-kanilang lugar. Mabuti na lang at nawalan na nang direktang poder ngayon ang mga lokal na opisyal sa mga pulis. Pero hindi nagwawakas ang problema sa private army.
Ang asasinasyon kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na ang suspect ay si Congressmen Arnolfo Teves ay naglantad sa katotohanang naririyan pa rin ang halimaw na private army ng mga pulitiko. Marami umanong heavy firearms ang nasamsam sa raid na isinagawa ng pulisya sa bahay ni Teves na nagpapakita lang sa kanyang sphere of influence.
Sa ngayon, mukhang umiiwas sa hustisya si Teves sa patuloy niyang pagtangging bumalik sa Pinas para harapin ang kaso laban sa kanya. Siguro, siguro lang, isa lang si Teves sa marami pang pulitikong mayroong pribadong sandatahang hukbo na ginagamit para manatili sa kapangyarihan.
Ano pa kayang insidente ng karahasan ang dapat naganap para mailantad pa ang katiwalian ng ilan sa mga tinatawag na public servants? Huwag na sanang hintaying may naganap pang pamamaslang at ngayon pa lang ay tuntunin na at durugin ang mga sikretong private armies ng mga pulitikong alagad ni Satanas.