Bakit nakakalbo ang tao? Paano ito maiiwasan?
Sagot: Maraming dahilan ang pagkakalbo: (1) namana sa magulang; (2) dulot ng stress; (3) may impeksyon sa buhok at (4) side effect ng chemotherapy. Kapag may lahi ng pagkanipis ng buhok, puwede mo itong mamana sa iyong magulang. Ang stress ay nakadudulot ng “poknat” kung saan may parte ng anit na walang buhok.
Magpatingin sa isang dermatologist para masuri ang dahilan ng pagkalagas ng buhok. May mga gamot din na pampatubo ng buhok.
Narito ang iba pang payo:
1. Magbawas sa stress.
2. Kapag naliligo, dahan-dahan lang ang pag-shampoo at pagtuyo ng buhok para hindi ito malagas.
3. Huwag gumamit ng masikip na goma para talian ang iyong buhok.
Bakit tumataba ang isang tao? Ano ang masasamang epekto ng mataas na timbang ng katawan? Kadalasan, ginugutom ng mga tao ang sarili nila para pumayat? Kung nahihirapan sa pagdidiyeta, ano ang mga madaling payo na puwede nilang gawin?
Sagot: Tumataba ang isang tao dahil sa sobrang pagkain o kulang sa ehersisyo. Kapag sobra ka sa timbang, mas madali kang magkaroon ng mga sakit tulad ng diabetes, sakit sa puso, high blood pressure at arthritis.
Hindi maganda ang pag-inom ng mga slimming pills. Karamihan dito ay may halong pamparumi (laxatives) at ika’y magtatae. Puwede kang maubusan ng sustansiya sa katawan at bumagsak ang potassium sa dugo. May namamatay sa sobrang baba ng potassium. Mahirap magpapayat pero kaya itong gawin.
Narito ang aking mga payo:
1.Magdiyeta at magbawas ng pagkain. Kung dati-rati ay dalawang tasang kanin ang nauubos, ngayon ay gawing isang (1) tasa na lang.
2.Umiwas sa softdrinks, iced tea at canned juices. Punumpuno ng asukal ang mga ito at mabilis makataba. Tubig lang ang dapat inumin dahil wala itong calories.
3.Igalaw-galaw ang katawan. Gumamit ng hagdanan, maglakad imbes na umupo, maglinis ng bahay at iba pang aktibidad.