MULA nang ibalik ang Kongreso nu’ng 1987, bumalik din ang pork barrel. Binatikos agad ng journalists ang tinatawag noon na Countrywide Development Fund. Tig-P150 milyon na laan sa bawat senador at P70 milyon sa kongresista kada-taon mula sa pambansang budget. Sila na ang bahala kung anong proyekto ang popondohan. Puro katiwalian ang nangyari. Kinomisyonan nila ang pagbili ng gamot at libro, at paggawa ng farm-to-market roads.
Pati Presidente may pork barrel. Siya na ang bahala sa popondohang infrastructure mula sa President’s Social Fund.
Para ikubli ang pagnanakaw, binago nila ang tawag sa pork barrel. Naging Priority Development Assistance Fund. Tinaasan ang parte ng bawa’t isa: P200 milyon sa senador, P80 milyon sa kongresista kada-taon. Naging bilyong piso ang sa Presidente. Lumala ang kurakutan.
Buo-buo binulsa ang pondo sa kunwaring “flood control projects”, mga pekeng dredging ng ilog. Pati mga kongresista sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao ay bumili kunwari ng fertilizer para sa mga taniman na wala naman doon. Naging daan-bilyon ang sa Presidente.
Patuloy sila binatikos ng journos. Muli binago nila ang tawag sa pork: Disbursement Acceleration Program.
Binawal ng Korte Suprema ang pork nu’ng 2014. Hindi na puwede magkaproyekto ang mga mambabatas dahil tungkulin ‘yon ng ehekutibo. Hindi na rin puwedeng mamili ng infra-project ang Presidente kasi tungkulin ‘yon ng kongreso. Hindi sila tumigil. Ngayon tig-daan-bilyon piso na bawat isa. Banat pa rin ang journos.
Gamit ang pondong kinurakot, binobo ng pamunuan ang madla. Napaniwala nila ang tao na malinis sila at bulaan ang journos. Sa survey ngayon, 40% ng Pilipino ang nagsasabing sanhi ng fake news ang journos; 37% lang ang naniniwalang galing ang fake news sa pambansang pulitiko, at 30% sa lokal na pulitiko.