Makalipas ang walong taon, muling magsisilbi ang Quezon City bilang host ng Earth Hour celebration, na itinuturing na isa sa pinakamalaking grassroots environmental movements sa buong mundo.
Gaya noong 2015, gagawin natin ang Earth Hour sa Quezon Memorial Circle katuwang ang World Wide Fund for Nature-Philippines o WWF-Philippines, na pinamumunuan ni Executive Director Katherine Custodio.
Eksaktong alas-8:30 ng gabi sa Marso. 25, sasamahan nating makilahok ang mahigit 7,000 siyudad mula sa 193 bansa sa Earth Hour.
Sa nasabing oras, papatayin ng lokal na pamahalaan ang ilaw sa pylon ng Quezon Memorial Circle at iba pang gusali na pinatatakbo ng lungsod sa loob ng isang oras para makatulong sa pagbawas ng epekto ng climate change sa ating planeta.
Inaasahan din nating makikilahok dito ang mga QCitizen at mga may-ari ng iba’t ibang negosyo sa ating siyudad.
Ang paglahok ng siyudad sa Earth Hour ay patunay sa matibay nating pangako na isusulong ang climate justice para magkaroon tayo ng komunidad na maka-kalikasan.
Bago ang ating switch-off activity, magsasagawa muna ng iba’t ibang programa ang mga tanggapan ng Quezon City government, sa pangunguna ng QC Climate Change and Environmental Sustainability Department (CCESD).
Magsisilbing punong abala ang ating CCESD at Gender and Development Council Office (GAD) sa gagawing Padyak ng Kababaihan para sa Kalikasan cycling event at scavenger hunt para sa kabataan.
Isang pre-switch off program din ang gagawin kung saan magbibigay ng mensahe ng suporta ang iba’t ibang non-government organizations at mga ahensya ng gobyerno.
Sa lights-off proper, isang symbolic run naman ang pangungunahan ng fitness at environmental conservation enthusiasts sa Quezon Memorial Circle, na sumasagisag sa kapangyarihan ng sama-samang pagkilos para maabot ang maayos na kinabukasan para sa mga Pilipino at ating kalikasan.
Kasama namin ng WWF-Philippines ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor, para matiyak na magiging matagumpay ang darating na Earth Hour.
Para sa kalikasan at susunod na henerasyon, hinihikayat ko ang lahat ng QCitizens na makiisa sa makabuluhang programa na ito.