SA panahon ngayon na mahal ang presyo ng bilihin at kailangan nating maghigpit ng sinturon, bawal munang magkasakit.
Pero may mga sitwasyon na hindi natin ito maiiwasan. Ang masakit, pati ipon ay nagagamit na pambayad sa doktor, sa ospital at pambili ng gamot.
Paano naman iyong mga walang-wala talaga? Ang iba, nangungutang para lang may maipampagamot habang ang iba, tinitiis na lang ang sakit na posibleng maging dahilan pa ng paglala nito.
Batid ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang ganitong mga suliranin kaya bumuo tayo ng programang makatutulong sa ating QCitizens kapag sila’y may karamdaman o kailangang magpa-ospital.
Sa programang ito, binibigyan natin ng PhilHealth ID ang mga kuwalipikadong QCitizens na hindi pa miyembro ng PhilHealth at walang kakayahang magbayad ng buwanang premium.
Hindi sila dapat mag-alala dahil sagot ng QC government ang buwanang premium na P300 o P3,600 kada taon.
Paunang target ng programang ito ay makapagbigay ng PhilHealth ID sa 50,000 residente ng ating lungsod. Magagamit nila ang ID na ito para makakuha ng serbisyong pangkalusugan, maging in-patient man o out-patient.
Nitong nakaraang linggo, 1,552 na residente ng ikalawang distrito ng QC ang nakatanggap ng PhilHealth ID. Kabilang dito ang mahihirap na pamilya mula sa Barangay Payatas, Bagong Silangan, Commonwealth, Holy Spirit, at Batasan Hills.
Nakasama ko sa pamimigay ng PhilHealth ID sa mga residente sina PhilHealth Chief Insurance Officer Jose Sidfry Panganiban, District 2 Action Officer Atty. Bong Teodoro, Batasan Hills Chairperson Jojo Abad, Bagong Silangan Chairperson Willy Cara, at Social Services Development Department-Community Outreach Division Chief Eileen Velasco.
Sa mga susunod na araw, magtutungo tayo sa iba pang mga distrito ng ating lungsod para mamahagi ng PhilHealth ID.
Sa QCitizens natin na hindi pa miyembro ng PhilHealth at walang kakayahang magbayad ng premium, maaari kayong magtungo sa inyong District Action Office para alamin ang requirements sa pag-a-apply.
Kapag naisumite na ang aplikasyon, magsasagawa ng assessment at verification ang mga social worker sa mga aplikante para malaman kung kuwalipikado silang makapasok sa programa o hindi.