KAPAG nasugatan o napaso ang tao, split-second ipinaaalam ng nerve system sa utak na may pinsalang naganap. Eksaktong bahagi ng katawan ang tinutukoy. Split-second din inuutos ng utak na kumilos ang tao. Dilaan ang sugat o lumayo sa init. At split-second kumikilos ang immune system. Naglalabas ng antibodies para puksain ang impeksyon o pamanhidin ang kirot. Matulin ang electro-chemical impulses patungo at galing sa utak. Bahagi ‘yon ng natural na proteksyon ng katawan.
Patulin nang patulin ang computer speed. Ang dating 256 kilobytes nu’ng dekada-‘90 ay 1.6 gigabytes na ngayon. Isang click lang sa mouse o screen ay nagbubukas agad sa kisap-mata ang app o dokumento. Kaya ng computer industry umimbento ng dobleng speed tuwing 18 buwan. Parang hinahabol ang split-second reaction time ng katawan. (Ang mabagal na laptops na lang ngayon ay ‘yung binili ng mga kawatan sa Procurement Service-Dept. of Budget and Management para sa public school teachers nu’ng Duterte admin. Substandard na nga, overpriced pa. Napag-iiwanan ng panahon dahil sa korapsyon.)
Minememorya ng utak ng tao ang mahahalagang impormasyon at karanasan. Tumatanim sa isip ng sanggol ang tinig ng ina na nagpapasuso sa kanya. Bumabaon sa isip ng ama ang mga paraan ng paghahanapbuhay. Memoryado ng tao ang mga numero, addition, subtraction, multiplication, division, fractions, decimals. Mga pangalan ng tao, lugar at kaganapan. Pero limitado ang brain cells ng tao para sa memorya. Okupado ang bungo ng iba pang dapat: pang-analisa, panglikha, pang-emosyon, at iba pa.
Pinupunuan ng computer ang kakulangan ng memorya ng tao. May smartphones na 128 megabytes ang memory. Kayang mag-save ng dosenang pelikula, daang litrato at libong dokumento.
Maraming maselang trabaho ang tao na paulit-ulit at kailangang wasto. Kung magkamali – “Sorry, tao lang” – maaring makapinsala. Halimbawa: pagmamaneho, pagpipinta, pag-oopera, paghihiwa, pananahi sa sewing machine. Dapat alerto ang utak, kundi’y magkakamali, makakasakit, makakagulo.
Pasok ang robots na mabilis ang computer speed, malaking memory, “mata’t tenga” (sensors), braso, kamay at gulong. Kaya nila magpaandar ng barko, humubog ng molde, mag-surgery, bumutas nang eksakto, at manahi nang daang libong bilis kaysa tao.