Makati at discharge ng kababaihan  

MAY mga kababaihan na nakakaramdam ng pangangati o burning sensation sa may puwerta. Mayroon din na kulay puting discharge na parang kesong puti. Ang tawag sa impeksIyon na ito ay vaginal candidiasis.

Mga dapat gawin:

1. Maghugas ng puwerta gamit ang mild soap at tubig.

2. Huwag gumamit ng pantyliners. Gumamit ng cotton panties at magpalit ng tatlong beses sa maghapon.

3. Magsuot ng maluwag na pantalon. Huwag muna ang mga masisikip na pants at pantyhose stockings. Para mabawasan ang init at pamasa-masa sa maselang bahagi.

4. Puwede ang mga anti-fungal vaginal suppository na inilalagay sa loob ng puwerta bago matulog sa loob ng pitong araw. Kumunsulta sa doktor para maresetahan.

***

Kuto sa maselang bahagi ng katawan

Ang kuto sa ari ay dumidikit sa balat o buhok at sumi­sipsip ng dugo sa maselang bahagi ng katawan. Nakukuha ito sa pagtatalik. Puwede rin pumunta ang kuto sa buhok sa dibdib, kilikili, balbas, kilay o pilikmata. Ang kuto sa ari ay iba sa kuto sa ulo.

Ang sintomas ay lalabas limang araw pagkatapos mo mahawa. Kumuha ng magnifying glass at tingnan ang buhok sa maselang bahagi. Sobrang kati at makikita mo na may gumagapang sa buhok at may mga lisa o itlog ng kuto. Maaaring makati at may pasa sa pinagkagatan ng kuto.

‘Pag mayroong ganitong kuto ang teenagers o bata ay dapat alamin ng magulang kung bakit nagkaroon dahil baka may pang-aabuso na naganap.

Gamutan:

1. Ang gamot ay 1% permethrin lotion na mabibili sa botika.

2. Ilagay sa palad at ipahid sa maselang bahagi. Hayaan ng 10 minuto tapos banlawan.

3. Ulitin pagtapos ng 7 araw kung meron pa rin buhay na kuto.

4. Ang partner ay dapat gamutin din.

Para mapatay ang kuto:

1. Para ubusin ang kuto, ibabad sa mainit na tubig ang mga damit, kumot o twalya ng 20 minuto. Hindi namamatay ang kuto sa sabon at tubig lamang.

2. Baka makatulong ang pag-ahit ng buhok sa maselang bahagi.

3. Puwede i-vacuum ang bahay at i-bleach ang banyo.

4. Sa mga hindi malalabahan na bagay, kulungin sa plastic ang gamit sa loob ng dalawang linggo, kasi hindi mabubuhay ang kuto kapag walang dugo.

Ang pinakamabisang pag-iwas sa kuto sa ari ay ang pag-iwas sa pakikipagtalik sa iba’t ibang partners. Mabilis makahawa ng kuto kapag napadikit. Makapit ito sa buhok pero hindi tumatalon. Hindi ito makukuha sa inodoro o silya. Ang doktor na pupuntahan ay doktor sa balat o dermatologist. Kapag sa ibang parte ng katawan tulad ng pilikmata ay pumunta sa ophthalmologists.

Show comments