BATID ng pamahalaang lungsod ang kalbaryo na kinakaharap ng tricycle drivers dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin, kaya naman agad tayong umaksyon upang matulungan ang ating mga ka-TODA sa pamamagitan ng pamamahagi ng fuel subsidy para sa kanila.
Noong nakaraang taon, nakapagbigay na tayo ng fuel subsidy vouchers na may halagang P500 para sa tricycle drivers na lubos na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Upang mapalawig pa ang programang ito, inaprubahan natin ang ordinansa na isinulong ng ating Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Sotto. Layon ng City Ordinance SP-3100 S-2022 na bigyan ng fuel subsidy ang mga tricycle for hire na may prangkisa sa QC sa pamamagitan ng Fleet Card.
Ang mga fleet card ay naglalaman ng P1,000 na maaaring magamit sa loob ng isang buwan o hanggang P400 halaga ng gasolina sa isang araw. Nakarehistro na mismo sa tricycle drivers ang naturang fleet card na kanilang matatanggap. Maaari nila itong gamitin sakaling magpatuloy pa ang programang fuel subsidy.
Target natin na maipamahagi ang fleet cards sa mahigit 24,700 Tricycle Operators and Drivers’ Association members ng buong lungsod. Sa ngayon, mahigit 14,000 na ang nakatanggap ng kanilang fuel subsidy at patuloy pa rin ang pamamahagi nito sa pangangasiwa ng Transport and Traffic Management Department-Tricycle Regulatory Division.
Bukod sa fuel subsidy program, nagpatupad din ang pamahalaang lungsod ng bagong Tricycle Fare Matrix o dagdag pamasahe sa bisa ng City Ordinance SP 3131 S-2022 bilang pag-alalay sa TODA drivers.
Naririnig natin ang mga hinaing ng ating masisipag na ka-TODA. Malaking bagay para sa kanila ang maiuuwing kita sa maghapon na pagkayod para sa kanilang pamilya, kaya handang gumawa ng hakbang ang pamahalaang lungsod upang matugunan ang kanilang pangangailangan.