^

PSN Opinyon

Panindigan ang atin

K KA LANG - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Ang mga barkong pangisda na pinaniniwalaang militia­ ng China ay dumagsa sa karagatan malapit sa Iroquois­ Reef at Sabina Shoal na malapit sa Palawan. Ang Depart­ment of National Defense (DND) ay nagpahayag ng pagkabahala sa sitwasyong ito. Sinabi ng officer-in-charge ng DND na si Jose Faustino Jr. “Nananatiling bukas ang aming­ mga linya sa diyalogo. Gayunpaman, pinananatili namin na ang mga aktibidad na lumalabag sa aming soberanya, mga karapatan sa soberanya, at hurisdiksyon, at sumisira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, ay hindi katanggap-tanggap.” Malinaw ang direktiba ng presidente sa DND — hindi namin ibibigay ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.

Mabanggit lang na ang mga barkong pangisda ng China ay palaging dinadagsa ang mga karagatan na inaangkin­ nating atin. Walang pakialam ang China kahit maghain tayo ng libu-libong protesta sa kanilang ginagawa, baka tinata­wanan pa. Iginigiit nila ang karagatan ay bahagi ng teritoryo­ ng China at dapat nating igalang umano ito. Sinita ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang bangkang sibilyan ng Pilipinas na nagdadala ng pagkain, tubig, at mga regalo sa mga Marines na nakatalaga sa BRP Sierra Madre noong Sabado.

Ang mga barko ng CCG ay napakalaki, tila barkong pandigma. Naging matagumpay naman ang pagdala ng suplay sa kabila ng mga babala sa radyo mula sa CCG. Malapit na sinundan pa ng CCG ang ating bangka. Masaya naman ang mga Marines sa pagtanggap ng kani-kanilang regalo.

Sinabi ni President Marcos Jr. na gagamitin niya ang 2016 Hague ruling para igiit ang ating mga karapatan sa teritoryo­ sa mga lugar na inaangkin ng China. Matatandaang tinawag ni dating President Duterte ang ruling na ito na piraso ng papel na dapat nasa basurahan. Ito ang dahilan kung bakit lumalakas ang loob ng mga barkong militia ng China na magpagala-gala at manggulo sa ating mga sasakyang pandagat. Alam nilang may malakas silang kakampi sa Palasyo no­ong nakaupo si Duterte. Hindi pa alam kung susundan ni Marcos si Duterte pagdating sa relasyon sa China.

Makikita ang pagkukulang sa kagamitan ng ating Coast Guard. May mga bagong barko ang Philippine Navy, ngunit ito ay mga barkong pandigma. Hindi dapat nagpapadala ng barkong pandigma sa mga insidente tulad nito dahil iba ang pahiwatig. Ganito ang sitwasyon noong 2012 nang magpadala ang Pilipinas ng barkong pandigma sa Panatag Shoal na nag-udyok sa China na magpadala ng sarili nilang mga barkong pandigma. May dahilan kung bakit puti ang mga barko ng Coast Guard upang ipakita na hindi sila mga barkong pandigma.

Ang China ang may pinakamalaking fleet ng Coast Guard sa mundo. Malalaki ang mga barko na tila mga barkong pandigma na rin. Madali silang makapaglayag sa iba’t ibang panig ng bansa at kayang manatili ng mahabang panahon.

Ang mahalaga ay paninindigan natin ang desisyon ng Hague para igiit ang ating karapatan. Suportado tayo nang maraming bansa. Hindi ako naniniwalang marahas na kikilos ang China, pero ang pagsisita o pananakot sa ating mga barko, maging mga barkong pangisda o mga magdadala ng suplay sa Ayungin Shoal ay dapat huminto. Para maiwasan ang hindi kanais-nais na insidente. Kailangan din natin ang suporta ng ating mga kaalyado tulad ng U.S. para igiit ang Hague ruling.

DND

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with