Naninindigan si Cagayan Governor Manuel Mamba na hindi siya nag-vote buying kahit isang boto upang manalo noong Mayo. Ito ay sa kabila nang ibinabang order ng Comelec second division na nagdidiskuwalipika rito dahil sa paglabag umano sa 45-day public spending ban noong kampanya.
Ayon kay Mamba, hindi makatarungan ang desisyon ng Comelec para sa mga botante ng Cagayan, dahil na-exempt naman daw sa “public spending ban” ang pamimigay ng ayuda ng Cagayan provincial government noong panahon ng kampanya.
Laking panghihinayang ng katunggaling si Ma. Zarah Rose de Guzman Lara sa pagkatalo nito ng 23,463 lamang. Mas lalong panghihinayang nang hindi mapatunayan sa Comelec ang bintang ng “massive vote buying”.
Ang pakunsuwelo ng Comelec, dinidiskuwalipika si Mamba dahil sa paggamit ng pondo ng lalawigan para sa mga ayuda na walang malinaw na exemption sa spending ban. Gaya ng P550 milyong pondo ng Cagayan mula sa programang “Krusada Kontra Korapsyon” matapos makatanggap ng tig-P1,000 ang mga rehistradong botante bilang cash assistance.
Ginamit din umano ni Mamba ang pondo ng No Barangay Left Behind (NBLB), No Town Left Behind (NTLB) at Oplan Tulong sa Barangay kahit nag-issue ng TRO ang Tuguegarao City Regional Trial Court.
Ang tanong, sino sa dalawa ang masaya pa rin ang Pasko? Tiyak masaya pa rin ang pasko ni Mamba dahil maari naman niyang iapela ang kanyang diskuwalipikasyon sa Korte Suprema. Tiyak aabutin pa ng susunod na Pasko o eleksiyon bago madesisyunan ang kaso.
Maliwanag din naman ang Pasko ni Lara dahil kahit hindi napadidiskuwalipika ang kalaban, naitanim niya sa isipan ng 278,562 na bomoto sa kanya na may aasahang tagumpay sa Comelec kahit huli na ang lahat at nakaupo na ang kanyang kinalaban.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com