NABABAGOT na ang consumer-members ng Benguet Electric Cooperative (Beneco) sa kawalang-aksyon ng National Electrification Administration (NEA) sa pinaglalabanang posisyon na general manager.
Isang taon na ang problemang ito pero wala pang solusyon. Sa kasalukuyan ang nakaupong general manager ng Beneco ay ang appointed Board of Director si Engr. Melchor Licoben samantalang ang iniupo naman ng NEA ay si Atty. Anna Marie Paz Rafael.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy noong Miyerkules, sinabi ni Rep. Rodante Marcoleta na dapat resolbahin ng NEA ang sigalot sa Beneco. Ayon sa kanya, tanging NEA na tagapangasiwa ng lahat ng electric co-operatives sa bansa ang dapat magpasya rito.
Maging ang bagong kumpirma ng CA na si DOE Sec. Lotilla, na Chairman of the Board ng NEA ay nangako na tutuldukan na sa lalong madaling panahon ang gusot sa Beneco.
Ipinangako ni Lotilla kay Marcoleta na ipatutupad ang desisyong si Atty. Rafael ang general manager ng Beneco sa kabila na may kasong isinampa si Licoben sa Court of Appeals tungkol dito.
Dapat ipatupad ng NEA ang desisyon kung sino ang pinili nilang mamahala sa Beneco at hindi dapat manaig ang kapritso ng Board of Directors ng naturang kooperatiba.
Dapat magampanan nang mahusay ng NEA ang pamamahala sa mga electric cooperative sa bansa. Kung hindi magagampanan, baka mangyari ang sinabi ni Marcoleta na buwagin na ito sa Kongreso.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com