NARITO ang mga masustansiyang prutas na may malaking benepisyo sa katawan:
1. Saging – Mainam ang saging sa mga nag-eehersisyo at sa may sakit sa puso dahil may taglay itong potassium. Para sa hindi makatulog at stressed sa buhay, nakapagpaparelax din ang saging dahil sa sangkap nitong tryptophan.
2. Abokado – Ang abokado ay may taglay na good fats at healthy oils. Dahil dito, nakatutulong ito sa pag-iwas sa sakit sa puso at istrok. May sangkap din itong vitamin B6 at vitamin E na nagpapakinis ng ating balat.
3. Papaya – Mataas sa vitamin A at vitamin C ang papaya kaya nakatutulong ito sa ating kutis. Ang papaya ay may papain, isang kemikal na tumutulong sa pagtunaw ng pagkain at sa pag-regular ng ating pagdumi.
4. Pinya – Ang pinya ay may bromelain na nagpapalakas ng ating resistensya. May sangkap din itong manganese at vitamin B na nagbibigay lakas sa ating katawan.
5. Suha – May tulong ang suha para makaiwas sa kanser at para sa may diabetes. Ang balat ng suha ay may sangkap na bioflavonoid. Ito’y nakatutulong sa pag-iwas sa cancer, lalo na sa breast cancer. Kung ika’y may diabetes, puwede sa iyo ang suha at mansanas.
6. Pakwan – Panlaban ang mga ito sa sakit sa bato at pantog. Ang pakwan at melon ay punumpuno ng vitamin C at potassium. Kapag tag-init, ang katas nito ang kailangan ng ating katawan.
7. Mansanas – May vitamin C at anti-oxidants ang mansanas. Mahalaga na kainin din ang balat ng mansanas dahil may taglay itong pectin na nagtatanggal ng dumi sa ating katawan. Panlaban ang mansanas sa mataas na cholesterol, arthritis at sakit ng tiyan.
8. Orange – Masagana ang orange sa vitamin C na panlaban sa sipon, ubo, hika at arthritis.
9. Ubas – Ang ubas ay may tannins at flavonoids na puwedeng makapigil sa kanser. Kumain ng ubas kung ika’y nagpapagaling sa sakit. At kapag kulang sa dugo at mahina ang katawan, kumain ng ubas para manumbalik ang iyong sigla.
10. Peras – Ang peras ay mayaman sa fiber at sorbitol na makatutulong sa pagdumi. Ang fiber ay nagbibigay ng hugis (bulk) sa dumi. Ang sorbitol naman ay nagbibigay ng tamis sa peras at naghahatak ng tubig sa loob ng bituka para lumambot ang dumi.