Nabulabog ang Tacurong City sa Sultan Kudarat sa muling pagsabog ng bomba sa loob ng pampasaherong bus noong isang linggo na ikinamatay ng 1 tao at ikinasugat ng 11.
At muling hinigpitan ng mga security forces ang pag-pick-up ng pasahero lalo na ‘yung sa mga daan lang at hindi sa terminal mismo. Ang paghihigpit sa pagbaba at pagsas akay ng mga pasahero lalo na sa mga probinsiya ay kadalasang nangyayari tuwing may pumuputok na bomba lalo na sa mga pampasaherong bus.
Kaya nga kung maari ay sa mga terminal mismo ang sakayan ng mga bus at nang mainspeksiyon nang maayos ang mga bagahe ng mga pasaherong sasakay at para na rin sa mga bababa.
Ngunit may kaakibat din yang malaking problema para sa mga pasahero lalo na sa ating mga naghihirap na mga kababayan na walang extra na pera upang pamasahe nila patungong terminal o sa tamang sakayan ng pampasaherong bus kaya karamihan sa kanila ay sa mga daan na lang naghihintay ng kanilang masasakyan.
Hindi mo rin sila masisisi kung sa daan sila sasakay at may mga bus companies din naman na namimik-ap din sa daan upang madagdagan ang bilang ng pasahero nila at dagdag kita na rin.
At muli ring binubuksan ang checkpoints sa daan nang sa ganun ay maiwasan ang pagpasakay ng mga suspected bomber.
Itong security problem na ito na pambobomba ay matagal nang naging problema lalo na rito sa katimugan ng bansa at hindi lang man ito ngayon.
Ang hinahanap ng mga mamamayan ay solusyon sa problemang ito at nang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga namamatay at nasusugatan sa tuwing may pambobombang nangyayari.