TATLUMPU’T TATLONG taon na mula nang obligahin lahat ng barangay na ipunin ang tubig-ulan. Wala ni isang tumutupad hanggang ngayon. Simple lang ang hangad ng Rainwater Collector and Springs Development Act ng 1989, R.A. 6716: mabawasan ang baha tuwing tag-ulan at magkatubig tuwing tagtuyot. Krisis na ngayon sa baha at uhaw. Wala pa rin bang kikilos?
Tutukuyin dapat ng Department of Public Works and Highways ang pinakamabababang bahagi ng bawat barangay. Huhukay sa mga pampublikong pook na ito ng ipunan ng ulan. Mas malalim at mas malawak, mas mabuti. Kung kailangan, humukay ng kanal o maglatag ng tubo patungo sa water impoundments. Tanggal ang baha.
Magkakapagkain pa ang barangay. Tamnan ng gulay at prutas ang paligid. Sagana ang ani dahil parating basa ang lupa. Punlaan ng tilapia, hito o dalag ang ponds. Yari sa kanila ang mga itlog ng lamok. Simple ang pakain sa isda: lugas na gulay, pinagtalupan ng prutas, at tirang kanin. Idagdag ang ipot ng manok mula sa kulungan sa ibabaw.
May pasyalan pa ang mga residente. Kung malaki ang pond, magpaarkila ang barangay ng bangka at pedal rafts. Magtanim ng punongkahoy. Maglagay ng mga bangko, papag, payong o kubo.
May malinis na tubig din. Sa tulong ng Department of Science and Technology, makakagawa ng murang filters. Malilinis ang tubig-ulan patungo sa chamber ng inumin. Bago dumating doon, may chambers din na pangdilig, laba, ligo, flush ng kubeta at panghugas ng pinagkainan.
Sa kani-kanilang mga compounds, magtayo rin dapat ng water impoundments ang bawat mall, pabrika, condo, opisina, simbahan, paaralan at bahay. Paagusin doon ang ulan mula sa mga bubong. Pamatay-sunog, pandilig, panghugas ng kotse, bintana, sahig at pader. Ginagawa na ito sa India, Malaysia, Singapore, Thailand, at iba pa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)