EDITORYAL - Kalbong gubat resulta’y pagguho ng lupa at baha

Hindi lamang malawakang pagbaha ang dinulot ng Bagyong Paeng sa maraming bahagi ng bansa kundi pati na rin ang landslides. Nanalasa ang Bagyong Paeng noong Biyernes at grabeng tinamaan ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Tumawid sa Visayas Region noong Sabado at sunod na hinagupit ang Bicol Region at ilang beses nag-landfall sa mga probinsiya sa Southern Tagalog Region bago tinahak ang West Philippine Sea. Sa pinaka-latest na report, umabot na sa 48 ang namatay at marami pang pinaniniwalaang nawawala.

Pinakagrabeng tinamaan sa BARMM Region ang mga probinsiya ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur. Ayon sa report, pinakamarami ang namatay sa Maguindanao del Norte na umabot ng 40 at may mga hinahanap pa. Maraming bahay ang natabunan ng lupa makaraang maguho ang Mt. Minandar sa Maguindanao del Norte. Tinatayang 100 bahay ang nabaon sa putik. Umano’y dahil sa malakas at walang tigil na pag-ulan kaya naguho ang bundok.

Hindi lamang sa Maguindanao nagkaroon nang malawakang landslides kundi pati na rin sa Sitio Grahe, Bgy. Busay, Cebu City kung saan maraming bahay din ang natabunan ng lupa. Ganito rin ang nangyari sa ilang bayan sa Laguna, partikular sa Calauan at Nagcarlan na nagkaroon ng landslides. May mga kalsada na hindi madaanan ng sasakyan dahil sa naguhong lupa.

Kalbo na ang mga gubat. Naubos na ang mga kahoy dahil sa illegal logging at pagka-kaingin. Wala nang kinakapitan ang lupa sa mga bundok kaya sa pag-ulan, guguho ito at aagos ang putik at mga bato at ililibing nang buhay ang mga naninirahan sa paanan ng bundok.

Bumabaha dahil sa illegal quarrying. Dahil sa pagkagahaman ng mga kompanyang nagku-quarry, nasisira at nawawasak ang mga ilog, bumababaw at wala nang kontrol kaya mabilis umapaw. Tatangayin ang mga bahay na nasa pampang.

Magpapatuloy ang ganitong trahedya kapag walang ginawang aksyon ang Department of Envi­ronment and Natural Resources at local government units. Isulong ang pagtatanim ng mga puno sa bundok at gubat. Ipagbawal ang quarrying.

Show comments