Huwag na nating pag-aksayahan ng panahon kung sino naman ang papalit na monarch kung pumanaw si British King Charles III. Trivia lang sa Pilipino ang line of succession sa House of Windsor. Wala tayo mapo-probetse kung si Prince William o Prince Harry ang hahalili at kung ang misis nila ang magiging Queen Consort. Symbolic head of state lang ang British monarch. Walang maselang tungkulin sa gobyerno. Taga-bukas lang ng parliament at kung anu-anong fiesta at proyekto.
Problemahin natin ang dynasties sa Pilipinas. Hawak nila ang poder sa politika. At dahil du’n, kontrolado nila ang kabuhayan ng bansa at komunidad.
Galing sa political dynasties ang kasalukuyang President at VP. Ganundin ang halos lahat ng senador at kongresista. Halinhinan o sabay-sabay sila ng mga asawa, anak, magulang at kapatid sa puwesto.
Mga kadugo at bata-bata nila sa negosyo at pulitika ang mga governor, provincial board member, mayor, councilor at barangay captain. Nagpapalitan din ang mga ito sa puwesto. Sila-sila na lang.
Political dynasties ang nagpapahirap sa bansa. Nililisensiya sa sariling pamilya ang mga negosyo: gasolinahan, grocery at hardware store, botika, at iba pa. Mga tauhan nila ang ineempleyo at kinokontrata sa sea at airports, istasyon ng bus at public markets sa probinsiya, lungsod at munisipalidad. Kino-komisyonan nila ang mga proyekto. Ginagamit ang lakas para makuha ang beach front property at minahan. Pera ng gobyerno ang pinanggagawa ng kalye at tulay patungo sa private resorts at negosyo nila.
Maraming dynasties ang isang siglo na sa puwesto. Nagsimula sila nu’ng huling dalawang dekada ng Spanish regime, nang ipasa sa kanila ang mga lokal na posisyon. Nakipag-sabwatan sa Amerikano at Hapones para manatili sa poder. Kinamal ang yaman ng bansa. Pansinin: kung saan may dynasties ay malala ang karalitaan.