Hanggang ngayon, marami pa ring basurang nakukuha sa Dolomite Beach. Noong isang araw saku-sakong basura ang nakuha. Kahit araw-araw ay linisin ang kontrobersiyal na beach, marami pa ring basurang plastic ang sumasadsad dito. Ang mga basura ay galing sa estero, ilog, sapa sa Maynila at mga bayan na nakapaligid sa Manila Bay. Ang Dolomite Beach ay kabilang sa Manila Bay beautification project ng nakaraang Duterte administration na ginastusan ng P389 milyon. Tinambakan ng puting buhangin na galing pa ng Cebu beach para magmistulang Boracay. Hinakot ng mga barge ang puting buhangin patungong Manila Bay.
Noong nakaraang taon binuksan sa publiko ang Dolomite Beach sa kabila na may pandemya. Maraming nag-picture-picture. Dinagsa at pinagkaguluhan ng mga tao na nasabik makaraang makulong sa lockdown. Hanggang sa isara muli dahil maraming lumalabag sa health protocols. Ang iba ay walang face mask at dikit-dikit ang mga tao na para bang walang nanalasang virus.
Ngayon ay pansamantalang sarado ang beach dahil marumi. Nang manalasa ang Bagyong Karding, toneladang basurang plastic ang inanod sa dalampasigan. Ang maputing buhangin ng beach ay nangitim na dahil sa nakatambak na mga basura.
Mga basura na gaya ng single-use plastic, sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, cup ng noodles, plastic bottle ng softdrinks at iba pa. Ang mga basura ay iniluwa ng mga ilog, sapa at estero sa Manila Bay. Ginawang basurahan ang karagatan ng mga walang disiplinang mamamayan.
Pinagtutulungang linisin ng mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang baybayin ng beach.
Nakadidismaya lang na pagkaraang gastusan ng milyon ang Dolomite Beach, magiging sadsaran lang pala ng basurang plastic. Hindi rin mapakinabangan dahil kailangang linisin para gawing pasyalan. Magkaroon ng kampanya ang DENR at MMDA na maghigpit sa pagtatapon ng basura para hindi maging bagsakan ang ginastusang beach.
Isang suhestiyon na kapaki-pakinabang ay taniman na lang ng mga bakawan ang paligid ng beach para magkaroon ng harang sa mga inaanod na basura.