Sa Amerika: Musang, ‘Community Pantry’ ng FilAm na si Melissa Miranda
Nang mabasa ko kamakailan sa Seattle Times ang kuwento ng 37-anyos na negosyanteng Filipino-American na si Melissa Miranda ng Beacon Hills, Seattle, Washington, United States, naalala ko sa kanya ang isa ring negosyanteng Pinay dito sa Pilipinas na si Ana Patricia Non ng Maginhawa Street, Quezon City.
Matatandaang nakilala at naging kontrobersiyal si Non sa pagpapasimula niya ng mga community pantry noong Abril 2021 na nagbibigay ng libreng mga pagkain para matulungan ang mga mamamayang nawalan ng trabaho at nagugutom dulot ng pandemya ng coronavirus disease 2019.
Si Melissa naman ang may-ari ng restawrang Filipino sa Beacon Hill sa Seattle na kilala sa pangalang Musang. Sa kasagsagan ng pandemya sa Amerika noong 2020, nilikha ni Miranda ang Seattle Community Kitchen Collective sa pakikipagtulungan ng ibang mga organisasyon para magbigay ng libreng pagkain sa mga naapektuhan ng health crisis. Maikukumpara rin ito sa community pantry ni Non. Kung tutuusin, halos tatlong buwan pa lamang nakakapag-operate ang Musang na nagbukas noong Enero 2020 nang magsimulang maganap ang pandemya. Maraming negosyo tulad ng mga restawran ang nalugi, pansamantala o permanenteng nagsara. Pero hindi tumigil ang Musang ni Miranda. Nagpasya ang kanyang grupo na mamigay ng pagkain bago sila unti-unting tumatanggap ng mga take-order at delivery.
“Isinilang ang aming community kitchen mula sa kagyat na pangangailangnang pakainin ang mga mamamayan na biglang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya,” pagbabahagi sa wikang Ingles ni Melissa sa isang napaulat na panayam. “Mula noong 2020, nakita naming na lumalaki ang pangangailangan.” Kahit lumipas ang mahigit isang taon at kalahati, maraming local na mamamayan ang patuloy na dumadayo sa Musang para sa libreng pagkain. Walang tanong-tanong. Lahat ay tinatanggap nila.
“Patuloy na isyu sa Seattle ang inseguridad sa pagkain kaya sa mga araw na sarado sa publiko ang restawran (at kahit sa ibang araw na bukas kami), patuloy kaming namimigay ng libreng pagkain sa mga nangangailangan. Regular kaming nakikipag-partner sa maraming tao sa Seattle para mamigay ng pagkain sa mga nangangailangan. Bahagi kami ng isang network na kilala bilang Good Food Kitchens na kinabibilangan ng ilang organisasyon na sumusuporta sa amin para mamantini ang isang not for profit model para sa aming community kitchen,” paliwanag ni Melissa sa Ingles.
Gayunman, halos lahat ng bagay na may kinalaman sa restawran ni Melissa ay may kaugnayan sa kulturang Filipino, pagkaing Filipino at sa kanyang kabataan. Nitong nagdaang buwan, pinangalanan siya bilang isa sa 11 Best New Chef ng taong 2022 sa Food and Wine magazine.
Ang pagpapakilala niya sa kanyang sarili ay isang Filipino-American community leader and organizer. May- ari at chef siya ng Musang pero sa ibang ulat ay inilalarawan din siya bilang storyteller, educator at counselor. Ipinalalagay niya ang kanyang sarili bilang healer. Pero nalilimitahan siya sa pagtawag sa kanya bilang chef dahil mas malaki pa rito ang kanyang mga pagsisikap.
Nabatid na ang pangalan ng restawran ni Melissa ay hango sa palayaw ng kanyang tatay. Unang dumayo ang kanyang ama sa U.S. noong maagang bahagi ng 1970s at lumipat sa Beacon Hill pagkaraang manirahan sa Alaska. Nakilala ang kanyang ama ng mga kaibigan nito sa pagmamaneho nito ng kotseng itim na Mustang. Kinalaunan, nawala ang letrang “T” at ang kanyang ama ay nakilala sa kanilang lugar sa palayaw na Musang.
Lumaki sa Seattle si Melissa. Sa panahon ng kanyang kabataan, naging puso ng kanilang tahanan ang kusina. Lagi siyang nasa tabi ng kanyang tatay habang nagluluto ito ng mga pagkaing Filipino. Nanatili sa kanya ang hilig sa pagluluto. Nang magtapos si Melissa ng kursong Sociology sa University of Washington, napag-isipan niya na ang pagluluto ang kanyang buhay. Nagtungo at nanatili siya sa Italy para mag-aral ng food and hospitality sa Florence University of Arts at magtrabaho sa ilang restoran doon. Pagkaraan ng limang taon, lumipat siya sa New York City at nagluto sa ilang mga restoran doon.
Pagkalipas ng dalawang taon sa New York, umuwi siya sa Seattle at, pagkaraang magtrabaho sa dalawang restoran dito, isinilang ang idea na magtayo siya ng sarili niyang restoran na papangalanang Musang.
At nakilala ang Musang restaurant sa kanilang lugar dahil sa mga pagkaing Filipino na itinitinda nito at maging mga pagkaing kinalakihan ni Melissa. Kabilang pa sa parangal na natanggap niya mula nang buksan niya ang Musang ay ang James Beard Award Semifinalist sa Best Chef: Northwest and Pacific Category.
Naging matiyaga ang Musang dahil na rin sa mga pananaw ni Melissa sa buhay. Naniniwala siya na ang Musang ay maaaring humigit pa sa isang restoran. Isa rin anya itong community space, free meal program, at personal na pagkilala sa pagkaing Filipino at alaala ng kabataan.
“I noticed that the Filipino restaurants and businesses of my childhood had closed, and that our community’s presence in our neighborhoods had faded. I opened Musang ultimately to aid in the restoration of the Filipino-American culture in Seattle, and to create a space where our people could gather around shared memories and good food,” sabi pa niya sa isang panayam.
Para rin makatulong na maipreserba ang Filipino culture at cuisine, inilunsad ng team ni Melissa ang Musang Little Cats, isang programa na binalangkas para maiugnay ang mga bata at pamilya sa tradisyunal na mga pagkaing Pilipino. Marami anya kasing mga Filipino-American na lumaki sa States na hindi naturuan ng mga recipe para sa mga pagkaing Pilipino na lagi nating naaalala.
Email- [email protected]
- Latest