Central Luzon State University: Tara na sa bagong edutourism hotspot

Nagsimula ang CLSU bilang isang farm school, at noong April 1907, ito’y naging Central Luzon Agricultural School. 1964 nang ito’y maging isang unibersidad at tinawag na Central Luzon State University.

Anong unang naiisip mo pag tungkol sa tourist spots sa PIlipinas ang usapin? Malamang beach o bundok, di ba?

Pero misyon ng Commission on Higher Education (CHED) na basagin ang ganitong stereotype sa pamamagitan ng pagtulak sa state universities and colleges (SUCs) bilang bagong destinasyong pang-EduTurismo.

Nung maipaliwanag ng CHED ang konsepto ng EduTourism at StudyPH sa #PamilyaTalk team, dali-dali kaming nagplano mag road trip. Sabi nga nila, to see is to believe, di ba? Kaya naman nagtungo kami sa Science City of Muñoz sa Nueva Ecija para bisitahin ang Central Luzon State University (CLSU), isa sa mga unang university na naging bahagi ng StudyPH.

Tinatawag ang CLSU na “premier international agri-fishery techno-education tourism hub” ng Pilipinas. Ang haba, no? 

Paliwanag ni CHED Chairman  Dr. J. Prospero "Popoy" E. De Vera III, ginagawa nila ngayong tourist destination ang CLSU kahit na hindi ito tradisyunal na puntahan ng mga turista. Ipinagmamalaki naman ni Dr. Edgar A. Orden, Presidente ng CLSU, ang kanilang malawak na 654-hectare campus, na idineklarang AgriTourism site ng Department of Tourism pati na ng Department of Agriculture. 

Dapat lang naman!  Simula nang itinatag ang paaralan noong 1907 bilang Central Luzon Agricultural School hanggang sa kasalukuyan, nakilala ang CLSU sa galling nito sa pagtuturo ng agriculture, fisheries, and forestry. Kasama na rito ang pangunguna sa pagtuklas ng mga makabagong teknolohiya at praktikal na aplikasyon kaugnay sa mga larangang ito. 

Pinagsama-sama ng CLSU ang nabuo nilang mga pamamaraan at teknolohiya sa ilalim ng programang eFARM Academy na siya namang sinusuportahan at pinopondohan ng CHED.

(Topmost) Ang eFarm Academy team; (Below) Bagay na bagay maging EduTourism destination ang CLSU dahil sa napakaganda nitong campus, at bagong mga teknolohiya kaugnay ng agrikultura, fisheries at food production.

Ang eFARM Academy

May tatlong bahagi ang programang Engaging Food and Agriculture Resources Management (eFARM) Academy: eFARM GROW, eFARM KITCHEN, at eFarm Academy. Dahil sa programa, ang kaalamang hango sa klase’t libro ay pinagyayaman pa ng praktikal na karanasan sa kabukiran, katubigan, at komunidad

eFARM GROW (Generate. Reap. Opportunity. Wealth.) ang siya namang naglalayong mapaunlad ang food production at kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman, makabagong teknik at teknolohiya para sa Goat Production, Mushroom Production, Zero-Waste Pig (ZWaP) Farming System, at iba pa.

Namangha ako sa talino at husay ng ating mga kaibigan sa CLSU. Iba pala talaga pag personal mong nakita ang mga teknolohiya’t sistemang gawa nila. 

Sa eFARM KITCHEN (Knowledge Integration. Culinary Enhancement.) naman ginagamit ang mga teknolohiyang gawa ng CLSU para sa pagpa-process ng pagkain. Dito rin dini-develop ang mga iba’t ibang recipe at food processing techniques na mapapanood sa YouTube channel ng eFARM Academy

Ayon kay Dr. Celyrah B. Castillo, Project Leader ng eFARM KITCHEN, ang pamamahagi ng mga video ay isa lang sa mga paraan para makatulong ang CLSU sa pagtugon sa problema ng kahirapan at gutom sa bansa.  Ikinakampanya din ng CLSU ang farm-to-table advocacy ng pamantasan.  Kapag marunong mag-process ng inani ang mga magsasaka, pwedeng pagkakitaan ang sobrang ani kaysa mauwi lang sa pagkabulok. 

Tagumpay ang aking Goat Milking 101, pero syempre may gabay galing sa ekspertong si Neal del Rosario, Senior Agriculturist sa Small Ruminant Center ng CLSU.

Ang huling bahagi ng programa ay ang eFARM Academy mismo. Inilunsad lang nitong Enero, ang eFARM Academy website ang nagsisilbing online portal ng programa na maaaring gamitin ng kahit na sino sa anumang dako ng mundo. Ika nga, self-explanatory ang tagline nito: Explore. Learn. Earn. Dahil user-friendly ang disenyo, madaling mag-sign up at gamitin ang website. 

Mga kwento ng tagumpay 

Pinapatatag ng CLSU ang malalim na nitong relasyon sa lokal na pamahalaan, mga magsasaka’t mangingisda, at maging sa buong komunidad. Sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan, nagagamit ng mga benepisyaryo ang kaalamang galing sa CLSU para magpauland ang kanilang kita at kabuhayan. At syempre, laging nakaagapay ang mga opisyales sa barangay at lungsod.

Gaano ka-epektibo na nga ba ang eFARM Academy?

Ayon sa Goat Raisers na nag-training sa Small Ruminant Center ng CLSU, dahil mas malaki na ang kanilang mga mixed breed na kambing, nadoble ang kanilang kita. Natuto rin silang gumawa ng pakain ng kambing na mayaman sa protina na karagdagang negosyo nila.

Ang Mushroom Center naman sa Brgy. Cabisuculan ang pinakamodelo ng tagumay ng eFARM Academy na nais nilang gayahin sa iba’t ibang lugar. Ayon kay Marlon M. Diga na mula sa Mushroom Growers Association ng Cabisuculan, dati-rati nabubuhay silang mga magsasaka sa utang. Kung hindi panahon ng ani, wala silang kinikita. Pero simula nang nagtatag sila sa ng coop na nagpapatubo kabute, may tubo sila buong taon. 

Itinuro nina Dr. Yrah at Topher na pwede palang maging topping ng kakanin ang kabute.

Bukod sa pagpapalago ng kabute, naging kabuhayan na rin nila ang paggawa ng mushroom substrates at starter kits na ibinebenta sa ibang gusto magpatubo ng mushrooms. Sabi naman ni Christopher T. Tumampo na siyang nag-cooking demo sa eFARM KITCHEN, simula nang pinasok niya ang food processing business, nadoble ang kita niya sa pagpapatubo ng kabute.

At ngayong nagtataasan na naman ang mga produktong petrolyo, swerteng-swerte ang mga gumagamit ng Zero-Waste Pig Farming system ng CLSU. Hindi na nila kasi kailangang bumili ng LPG dahil sa ZWaP, maaaring gawing gas na panluto ang dumi ng baboy. 

Dahil sa eFARM Academy at StudyPH, mas madali na nating maipagmamalaki ang mga ganitong kwento ng tagumpay na talaga namang nakaka-inspire. Saan ka man sa mundo, nasa dulo na ng daliri mo ang napakalawak na kaalaman na pinagyaman ng CLSU sa loob ng 115 na taon.

Halaga ng agrikultura sa edukasyon at turismo

Sa pamamagitan ng StudyPH, napakita ng CLSU ang halaga ng agrikultura sa higher education. Bilang agrikultural na bansa, nakasalalay ang ating ekonomiya sa mga oportunidad para mapalago ang ating mga tanim, lalo na ang high-value crops, para magkaroon tayo ng food security. 

Sa StudyPH workshop-conference ng CHED in Iloilo (L-R) Seth Vincent Valdez (eFARM GROW, CLSU); Dr. Celyrah Castillo (eFARM KITCHEN, CLSU); Atty. Lily Macabangun-Milla (CHED OIC-Deputy Exec. Dir. at Director, CHED-International Affairs Service); Dr. Michael Ibisate (Aklan State University); Adrielle Estigoy (eFARM GROW, CLSU).

Kaya lang, bihira ang gustong maging magsasaka, pahayag ni Chair Popoy. May kinalaman daw ito sa mababang pagtingin nating mga Pilipino sa pagsasaka. Iniuugnay daw ng ating kultura ang pagtatanim sa kasalatan at paghihirap.  Sabi ni Chair Popoy, kailangang ma-excite ang mga estudyante sa agrikultura. Kailangang makita nilang bukod sa marangal itong hanapbuhay, may potensyal na kumita nang malaki dito sa tulong ng mga modernong paraan. Dagdag pa ni Chairman, ang pagpapalalim ng ganitong mindset ang dapat na napapaloob sa curriculum ng SUCs. Curriculum na kailangang laging pinagyayaman. Ito daw ang sikretong nadiskubre at patuloy na ginagamit ng eFARM Academy.

Sang-ayon dito si Dr. Renato G. Reyes, ang Vice President for Academic Affairs ng CLSU. Ngunit dagdag niya, “Kailangang magkaroon ng bagong bihis ang tourism. Maganda ang EduTourism, pwede nating i-combine ang lahat ng porma ng tourism pero naka-angkla sa edukasyon.” At anya, malaki raw ang maitutulong ng may maikukwento. “Lagi kong sinasabi na dapat may maganda tayong storya na pwedeng ikwento na wala sa iba para tayo dayuhin.”

Sa hinaba-haba ng kasaysayan ng CLSU, napakarami na nitong mga storya na pwedeng ibahagi para sa ikauunlad ng edukasyon, pagsasaka, at ng turismo.


Taralet’s at sumama sa aming Trip to CLSU, ang first stop sa special EduTourism series ng #PamilyaTalk!


Ang dami kong natutunan sa maikli naming pagbisita sa CLSU.  Ramdam na ramdam ko yung sense of purpose, pride, at fulfillment ng mga taga-CLSU.  Sa tulong ng kanilang mga discovery at technology, naiangat nila ang buhay ng kanilang komunidad.  Lahat sila napaka-passionate sa pagtutulungan. At dahil buhay na buhay ang bayanihan sa eFARM Academy, nabuhayan ako ng pag-asa para sa mas magandang kinabukasan para sa ating mga magsasaka, sa SUCs, at buong bayan.

Nakaka-proud talaga ang CLSU !! Kaya dapat lang malaman ng buong bansa at ng buong mundo na may CLSU na pwedeng ipagmalaki. Isang tried and tested na pamantasan na hindi pahuhuli sa ibang mga unibersidad — lalo na sa agrikultura — dito at sa ibang bansa.

 

--

Watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments