Nakatikim kaagad ng baptism of fire itong bagong upong hepe ng Quezon City Police District na si Brig. Gen. Nicolas Torre lll nang magsagawa ng protest action ang Kabataan partylist sa opening ng klase sa Quezon City. Nagpaalam ang mga militante sa police assistance desk sa Pres. Corazon Aquino Elementary School sa Bgy. Batasan Hills para magpamudmod ng alcohol at school supplies sa gate ng eskuwelahan. Siyempre, sino ba ang haharang sa isang kawanggawa, di ba mga kosa?
Kaya lang, maya-maya, naglabas ng streamers at placards ang mga militante na may nakasulat ng protest statements na naging dahilan para magulo ang pagpasok ng mga estudyante at kanilang mga magulang sa eskuwelahan. Simula kasi ng face-to-face classes kaya dinagsa ng mga estudyante at magulang ang naturang school.
Dahil sa protest action ng mga militante, nagkaroon ng bottleneck, hindi lang sa gate, kundi maging sa daan at ang opening ng klase ay nagkagulo. Sa unang sultada, pinakiusapan ng mga pulis ang mga militante na alisin ang kanilang protest placards subalit dedma lang sila. Mismooooo! Hak hak hak!
Ano pa ba ang bago r’yan mga kosa? Tulad ng ibang protest action nila, nagpapansin lang itong mga militante, di ba mga kosa? Tumpak! Dipugaaaaa!
“Despite our diplomatic efforts, the protesters refused to leave. Peace and order should be kept in a learning environment. Our personnel had to confiscate the streamers and placards because they didn’t take heed to our request,” ani Torre. Hayun, dinisperse ng mga tauhan ni Torre ang mga militante. Subalit paawa epek itong mga militante at pinalabas na namimigay lang sila ng alcohol at school supplies nang awatin ng pulisya. Nagtagumpay ang black propaganda ng mga militante at naapektuhan na naman ang imahe ng kapulisan. Mismooooo!
Ipinaliwanag naman ni PNP spokesman Brig. Gen. Roderick Augustus Alba na ang kapulisan ay hindi laban sa democratic rights ng mga Pinoy subalit hindi nila papayagan ang mga unruly behavior, na magiging dahilan sa pagkagulo sa eskuwelahan at iba pang educational institutions. Patuloy nilang i-monitor ang mga eskuwelahan at palaging handa para tugunan ang anumang emergency at ibang untoward incidents, ani Gen. Alba. Dipugaaaaa! Hak hak hak! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Mismooooo!
Maliban sa isolated incident sa Quezon City, inireport ni NCRPO chief Brig. Gen. Jonnel “Esto” Estomo na tahimik naman ang opening ng face-to-face classes sa ibang parte ng Metro Manila. Inikot ni Estomo at mga district directors ang mga eskuwelahan at nagustuhan naman ng mga principals at school officials ang security preparations ng NCRPO. Tumpak! Abangan!