Earning sa cosplaying

Professional cosplayers Awie at Prince de Guzman
Instagram/awiesome

Mga KasamBuhay, alam ninyo bang hindi lang pala basta laru-laro ang cosplay? Kung titingnan ang kuwento nina Awie at Prince de Guzman, magkasintahang content creators at professional cosplayers, posible rin pala itong pagkakitaan. 

Nung nakausap ko sila sa #PamilyaTalk, nakabihis sila bilang sina Alexandra Trese at Crispin mula sa Trese, isang tanyag na Filipino comic na naging hit anime series na rin sa Netflix. 

Dahil sa kasikatan nila ngayon, maraming tumatawag kina Awie at Prince bilang the Philippines’ hottest cosplaying power couple. Lalo na’t sobrang committed sila sa pagganap sa mga iba’t ibang karakter. Matrabaho pala ang pagko-cosplay. Ayon sa dalawa, hindi lang araw kundi linggo o buwan ang itinutuon nila para i-develop at bigyang buhay ang bawat karakter. Mula ito sa konsepto hanggang sa makeup, wigs, outfits at props at hanggang sa pag-uugali’t galaw. Pati prosthetics nila, sariling sikap rin. Nakakabilib, di ba?

Awie at Prince sa #PamilyaTalk bilang Alexandra Trese at Crispin, mga karakter ng comic-turned-Netflix-hit na Trese. Ayon kay Awie, mabusisi i-style ang patulis na bangs ng bidang si Trese. Kumpleto sa effort din si Prince hanggang sa pagbitbit ng mask ni Crispin at pagsuot ng contact lens para itim na itim ang mga mata niya.

Tatak Awie at Prince: De kalidad

Gaya ko, malamang mapapahanga kayo, mga KasamBuhya, sa dami at klase ng mga karakter na nabigyang buhay na ng dalawa. Dahli sa lawak at galing ng kanilang cosplaying portfolio, nakuha nila ang pansin ng malalaking entertainment at gaming companies. Limang taon na si Prince na nagko-cosplay para mag-promote ng TV shows, pelikula at video games. Si Awie naman, apat na taon na.

Para kay Prince, ang isa sa pinakamalaking break niya ay ang pagganap niya kay Pennywise, ang killer clown sa pelikulang “It.” Si Alita Battle Angel naman ang big break ni Awie. Simula noon, kaliwa’t kanan na ang mga offer at kontrata nila para gampanan ang mga bida’t kontrabida mula sa sikat na Netflix shows na Stranger Things, Kingdom, The Witcher, at iba pa. Napisil na rin silang maging mga karakter superhero franchises na Shazam, Wonder Woman, The Suicide Squad, Doctor Strange, at marami pang iba. Bukod pa riyan, nakuha na rin silang mag-cosplay bilang mga tauhan ng mga video games gaya ng Garena Call of Duty Mobile, HoYoVerse Genshin Impact, at Ragnarok.

Ano nga ba ang success story nila?

Ayon sa dalawa, hindi nila inaasahan ang pagkatok ang tadhana.  Paulit-ulit na itong kumakatok, at bukas lang sila nang bukas ng pinto.

Pero hindi nila noon pinangarap na maging trabaho ang cosplaying. Parehong silang graduate ng Marketing at parehong nakipagsabayan sa pag-akyat ng corporate ladder. Pero nasa puso talaga ni Prince ang pagkamalikhain at hilig sa pag-arte. Simula pagkabata raw, paborito niya ang horror films. Pero imbes na katakutan niya ang mga ito, mas pinag-iisipan niya kung paano ginagawa ang special effects. Kaya naman naging hobby niya ang pag-experiment sa paggawa ng sariling effects, horror makeup at prosthetics. Di kalaunan, gumawa siya ng vlog para sa kanyang transformations.

Kahit na hanggang libangan lang daw talaga sa umpisa ang cosplaying ni Prince, tila iba ang plano ng tadhana para sa kanya. Nag-a-apply siya ng bagong corporate job nang unang kumatok ang pagkakataon. Matapos siyang kinontrata ng Warner Bros. na mag-cosplay, umabot kaagad sa isang milyong views sa loob ng isang linggo yung vlog niya tungkol dito. Natural, hindi na raw niya tinuloy yung pag-a-apply sa trabaho.

Sadyang mahiyain naman si Awie, kaya’t habang parami nang parami ang followers ni Prince, kontento naman daw siya sa pagiging videographer at photographer ng kanyang nobyo. Kaya’t laking gulat raw niya nung sumunod na taon, kumatok rin ang tadhana nang napisil siyang gumanap na Alita Battle Angel. 

Biglaan ba ang pagsikat nila?

Hinding-hindi!  Sabi nga ni Prince, “literal na pawis, dugo, luha” ang ginugol nila ng maraming taon para maabot ang kinatatayuan nila. Nanggaling daw sa sariling sikap ang nalalaman nila. Aminado silang marami pa silang kailangang matutunan.
Importante raw talaga ang pagtanggap sa mga oportunidad nang buong puso at saya. At gayun din ang pagkakaroon ng passion. Kung hindi mo mahal ang cosplaying, sabi ni Prince, “susukuan mo lang din agad talaga…kasi mahirap at matrabaho ito.” 

May kasama ring suwerte at timing ang pagsikat nila, sabi ng dalawa. Para kay Awie, suwerte’t hawig niya si Alita Battle Angel kaya’t successful siya sa kanyang unang professional cosplaying assignment. Para naman kay Prince, nakabuti yung mayroon na siyang mga loyal followers, kahit hindi pa gaanong kadami noon. Marami na siyang mga nabuong karakter—mula sa cute hanggang sa nakakatakyut— kaya naman nung naghahanap ng professional cosplayer ang mga malalaking brands at kumpanya, mas lumutang ang pangalan at portfolio niya.

Ang mga iba’t ibang anyo nina Awie at Prince

Pwede bang ikabuhay ang cosplaying?

Bagama’t aminado silang hindi ito ang tamang hanapbuhay para sa lahat, ayon kina Prince at Awie, napapagkasya na nila ang kita nila para sa pang-araw-araw. Bukod dito, may napapagulong silang pondo para lalong pagbutihan ang characters nila. 

Para maging mas makatotohanan, kailangang laging top quality ang gawa nila. Kaya naman pinagbubuti nila ang lahat ng kino-cosplay, at binabalik-balikan nila maski yung tapos na para pag-isipan kung paano pa nila mai-improve ang mga ito. 

Mahabang panahon din daw bago nila napakita sa mga magulang nila na puwedeng ikabuhay ang content creation. Kaya naman payo nila sa mga magulang, maging bukas ang isipan sa mga hindi pangkaraniwang mga trabaho at career path. Pero sabi ni Awie, dapat magsikap rin ang mga anak na patunayan ang kakayanan nila.

Dagdag nina Prince at Awie, importanteng alam ninyo kung ano ang halaga ng hirap at pagod ninyo. Kaya naman daw laking pasalamat nila sa nternational companies na hindi sila binabarat ng presyo. Sabi ni Prince, tinutumbasan daw nila ang presyong ito nang hindi lamang dedikasyon kundi pati ang pinakamaaabot ng kanilang makakaya.

May tips ba sila para sa mga gustong maging professional cosplayer?

Magsimula sa maliit

Ayon kay Awie, puwede namang magsimula sa maliit na budget o kaya’y kung ano ang nasa loob ng kabinet ninyo. Kailangan lang ng creativity at mga karakter na hindi muna masyadong komplikado. 

Puhunan rin ang malinis na balat. Dapat alagaan ang kutis, kahit na simple lang ang skin care routine. Iwasan ang fake na mga makeup. Akala ninyo lang makamumura kayo sa umpisa, pero di hamak na mas mahal magpagamot pag nasira ang balat ninyo.

Mag-ingat sa pagpili ng karakter

Payo ni Awie, importante ang masusing character background research. Kung hindi mo kilalang-kilala ang napili mo, malamang hindi mo ito magagampanan nang mabuti. Dagdag niya, mas madali kung medyo hawig mo na yung gusto mong i-cosplay o kaya ay sigurado kang maitatawid mo sa makeup, prosthetics, costume, at iba-ibang paraan. Kung malayo talaga sa iyo, baka mas mabuting pumili na lang ng iba.

Hanapin ang Unique Selling Proposition (USP) mo

Palibhasa’y mga Marketing grads, payo nila na hanapin mo yung unique niche o kakaibang appeal na ikalalamang mo sa iba. Maraming magagaling na cosplayers, pero pare-pareho ang ginagampanan nila. Nung nagsimula si Prince, naging USP niya ang mga nakakatakot na makeup at prosthetics. Hindi lang yun, ginalingan niya talaga. Kaya naman mas napansin siya ng Netflix, Warner Bros. at iba pa.

Alagaan ang sariling imahe

Hindi maiiwasang maging role models o idols ng kabataan ang cosplayers. Malaking responsiblidad ito kaya dapat lang na seryosohin. May costume man o wala, umayos nang tama at maging mabuti sa kapwa.

Special sauce

Sabi ni Prince, basta’t mahal mo ang ginagawa mo at lagi mong ipinagbubuti ito, yun na ang “secret sauce” sa tagumpay. Dahil lagi nila itong naipamamalas, nakuha nila ang tiwala ng kanilang followers, katrabaho, at maging ng malalaking kumpanya.. 

“Do what you love para hindi mo sukuan,” sabi ni Prince. “Bukas magugulat ka na lang and you’re going places.” 


Panoorin ang masaya at inspiring na chickahan ni Tita Jing at ng hot na hot na Cosplaying Power Couple, dito lang sa #PamilyaTalk!

Perfect combination

Sa pag-uusap namin, kitang-kita naman kina Awie and Prince: Puwede pagkakitaan ang passion, sa cosplay man o ibang larangan. , Napahanga nila ako sa commitment nila sa paglikha at sa saya nila sa ginagawa nila. Kaya naman perfect na perfect sila para sa professional cosplaying at para sa isa’t isa.

Kahit hindi pangkaraniwan ang tinatahak nilang daan, tuluy-tuloy ang kanilang pag-arangkada. Kaya naman excited ako sa mga iba’t ibang karakter na bibigyan pa nila ng buhay. At lalong mas excited akong makita kung saang rurok pa sila dadalhin ng professional cosplaying journey nila. 

 

--

Watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at editorial@jingcastaneda.ph.  

Show comments